Ang Bayan Ngayon » May 400 pamilya sa Aurora, lumikas dahil sa pambobomba at operasyong kombat ng 91st IB

May 22, 2024


Halos 400 pamilya mula sa mga barangay ng Dipaculao, Aurora ang lumikas kasunod ng pambobomba, istraping at pinatinding operaysong kombat ng 91st IB sa Dipaculao at katabing bayan na Maria Aurora mula Mayo 20. Pinakawalan ng 91st IB ang mga berdugong yunit nito matapos ang isang engkwentro sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Aurora noong umaga ng Mayo 20 sa Barangay Toytoyan, Dipaculao.

Ayon sa ulat ng mga residente, dalawang helikopter ang ginamit ng 91st IB sa pag-iikot-ikot sa mga barangay ng Diamanen, Toytoyan, Puangi, Dimabuno, Salay, at Sapang Kawayan sa Dipaculao. Kasunod nitong inikutan ang mga barangay ng Bannawag, Bayanihan, Cadayacan, sa bayan ng Maria Aurora kung saan naghulog sila ng mga bomba sa mga bukid.

Dagdag dito, walang-patumangga rin ang pamamaril ng 91st IB sa mga operasyon ng “pagtugis” nito sa nakasagupang yunit ng BHB. Naiulat ang pagkamatay ng isang kabataan dahil dito.

Labis na takot at troma ang idinulot sa mga residente ng nakagigimbal na pagsabog at pagyanig ng lupa na idinulot ng pambobomba at pammaaril. Ito ang nagtulak sa kanila na lumikas sa kani-kanilang mga komunidad. Walang-kapantay na pangamba naman ang kinahaharap ngayon ng ilang mga sibilyang piniling manatili sa kanilang komunidad para asikasuhin ang kanilang tahanan.

Nadiskaril din ng terorismong ito ng 91st IB ang klase ng mga eskwelahan, pagsasaka sa mga bukid at pag-asikaso sa kabuhayan ng mga residente. Hindi sila makalabas dahil sa takot na idamay ng militar o paratangan ng mga ito ng kung anu-ano. Ipinasara na rin ng mga sundalo at lokal na pamahalaan ang lahat ng mga daan na papuntang Quirino hanggang sa haywey papuntang Pantabangan, Nueva Ecija.

Noong Abril, nakaranas na rin ng labis na pasakit ang naturang kulumpon ng mga komunidad kasunod ng inilunsad ng focused military operation (FMO) ng Armed Forces of the Philippines. Sa panahong iyon, pinagbawalan na rin silang makapagsaka sa kanilang mga bukid, gulayan, at niyugan.

Samantala, kabi-kabilang pananakot naman ang inilalabas ng pulis at militar sa social media para huwag magpost ng nangyayari sa mga komunidad. Pinalalabas nilang bahagi ito ng kanilang paglaban sa “fake news.”

Kinundena ng Karapatan-Central Luzon ang karahasang militar na nagaganap sa Aurora. Anang grupo, dapat igalang ng mga sundalo ng AFP ang internasyunal na makataong batas at kilalanin ang karapatan ng mga sibilyan.

Nanawagan din sila sa mga demokratiko at mapagkawang-gawang mga organisasyon na makiisa sa kanilang isasagawang “mercy and solidarity mission” sa mga komunidad sa Dipaculao at Maria Aurora sa Aurora na higit na apektado ng militarisasyon.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss