Ang Bayan Ngayon » Meyor ng Angeles City, kinalampag ng mga dinemolis na residente ng Sityo Balubad

June 19, 2024


Muling nagsagawa ng protesta ang mga residente ng Sityo Balubad, Barangay Anunas, Angeles City, Pampanga sa harap ng Angeles City Hall kahapon, Hunyo 18, para igiit ang kanilang karapatan sa paninirahan. Napalayas sa Sityo Balubad ang mga residente matapos ang madugong demolisyon ng may 500 pinagsanib na mga pulis at maton ng Clark Hills Properties Corporation sa kinakamkam na 73-ektaryang lupa dito noong Marso 12.

Giniba sa demolisyon ang 535 kabahayan at sinira ang pananim ng mga magsasaka sa komunidad. Apektado nito ang tinatayang 2,000 residente.

Sa pahayag ng Anunas United Farmers, Settlers, Descendants Association (AUFSDA) kahapon, inalok ng lokal na gubyerno ng syudad ang mga napalayas na residente ng relokasyon sa bayan ng Magalang. “Ang alok na tatlong ektarya na relocation site sa Barangay San Ildefonso [sa Magalang], na halos nasa hangganan na ng Concepcion, Tarlac ay tila isang insulto at hindi makatao at hindi nakabubuhay para sa mamamayan ng Balubad,” anang grupo.

Bibigyan ang bawat apektadong residente ng isang 45 metro kwadradong lupa. Ayon sa grupo, “hindi ito sapat na kapalit ng lahat ng iligal na dinemolish sa dating lugar sa Sityo Balubad.”

Himutok nila, dalawang oras ang layo nito sa kanilang trabaho at kabuhayan na nasa Angeles City. Lubhang malayo rin ito sa mga eskwelahan at ospital at iba pang mga kinakailangang serbisyo. Hindi rin umano maayos ang mga daan dito at walang pampublikong mga sasakyan kundi mga traysikel na sumisingil ng ₱250 kada espesyal na byahe.

Hinamon ng AUFSDA ang meyor ng syudad na tiyakin ang kanilang karapatan sa paninirahan. Giit nila, “hindi ganitong klaseng alok kundi mas maayos, malapit sa aming kabuhayan, at higit sa lahat ay nakabubuhay” ang dapat ibigay sa kanila. Dagdag problema rin para sa kanila ang mga manukan at babuyan sa palibot ng alok na relokasyon.

“Naniniwala ang mamamayan ng Sitio Balubad na ang mga ginagawa ng munisipyo (na pag-aasikaso sa mga napalayas) ay dapat niya lang na gawin para sa kanyang mamamayan,” ayon pa sa kanila. Nagkakamali umano ang lokal na gubyerno kung akala nito na papahupain ng alok nitong relokasyon ang isyu at mananahimik na ang mamamayan ng Balubad. Anila, hindi ito ang tatapos sa kanilang laban para bawiin ang 73-ektaryang lupaing marahas na inagaw ng Clarkhills.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss