Hinamon ni Rep. Eufemia Cullamat, dating kinatawan ng Bayan Muna, ang papasok na kalihim sa edukasyon na si Sonny Angara na payagan ang pagbubukas ng mga eskwelahang Lumad na ipinasara ng dating rehimeng Duterte at ng AFP.
Sa pahayag ngayong araw, Hulyo 5, iginiit ni Cullamat na makatutulong ang mga ito sa pagtugon sa krisis sa litersiya sa Mindanao. Mababa ang tantos ng kakayahang magbasa at magbilang sa isla. Naitala ang pinakababa sa buong bansa sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, kung saan 71.6% at 78.7% lamang ang tantos ng saligang literasiya ng mamamayan dito.
“Panawagan namin sa DepEd sa ilalim ni Angara na pigilang magpagamit bilang insrumento ng paninira at Red-tagging sa mga eskwelahang ito, kanilang mga administrasyon, guro at estudyante,” pahayag ni Rep. Cullamat.
Mahigit 100 gayong mga eskwelahan ang marahas na ipinasara ng estado. Higit dito, isinailalim sa kontrol ng militar ang mga komunidad kung saan dating nakatayo ang mga ito na nagtulak ng sapilitang pagbabakwit ng buu-buong mga komunidad ng Lumad. Kasabay ng pagsasara ng eskwelahan ang sistematikong kampanya ng mga pamamaslang, iligal na pang-aaresto at detensyon at marami pang pang-aabuso.
Isa sa pinakabrutal ang pagpaslang sa direktor ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (ALCADEV) na si Emerito Samarca, Dionel Campos at Aurelio Sinzo noong 2015, na nakilala Lianga Massacre.
Maging ang mga sumaklolo sa mga guro at estudyante ay ginipit, tulad ng kaso ng Talaingod 18 na kinasuhan ng gawa-gawang kaso kidnapping at human traffickig noong 2018. Kasamang ginipit sa mga kasong ito sina Rep. France Castro ng ACT Teachers Partylist at Satur Ocampo, isa ring dating kinatawan ng Bayan Muna.
Ani Cullamat, ang mga panggigipit na ito ay malinaw na halimbawa ito ng pagkriminalisa sa mga inisyatiba ng mga katutubong komunidad.