Ang Bayan Ngayon » Mga estudyante ng UE, tutol sa nakaambang pagtataas ng matrikula


Ang artikulong ito ay may salin sa Pilipino

Ipinabatid ng mga estudyante ng University of the East (UE)-Manila at UE-Caloocan sa pamamagitan ng kani-kanilang konseho ng mag-aaral ang kanilang pagtutol sa nakaambang muling pagtataas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa susunod na pasukan. Nagpadala ang UE-Caloocan Central Student Council (CSC) ng sulat kay UE President Zosimo Battad para himukin ang administrasyon na pakinggan ang mga estudyante at huwag ituloy ang pagtataas ng singil. Noong nakaraang taon ay nagtaas ng matrikula ang UE nang 9.5%.

Ayon sa sulat ng UE Caloocan CSC, maraming mga bayarin sa unibersidad ang “walang direktang benepisyo” sa mga estudyante laluna sa “hybrid” na porma ng pagtuturo kung kaya ang pagsingil nito o ang pagtataas pa nga ay “hindi makatwiran at hindi patas.” Gayundin, hindi umano ipinaliliwanag sa partikular na distribusyon ng mga singilin kung bakit dapat bayaran ang mga ito laluna at walang “malinaw na bentaheng nakukuha” mula rito.

Nagbabala ang konseho na hahantong ang pagtataas ng matrikula sa mas mababang enrollment sa uniberisidad kung matutuloy ito. “Sa pagkakamit ng abot-kaya at dekalidad na edukasyon, humihiling kami sa administrasyon na muling suriin ang kahit anong patakarang bumabalewala sa layuning ito,” ayon sa konseho.

Ibinahagi din ng konseho ang pagtingin ng mga estudyante na hindi kapansin-pansin ang mga pagbabago sa uniberisdad sa kabila ng 9.5% pagtaas ng matrikula noong nakaraang taon. Anito, hindi tugma ang ipinahayag na commitment ng unibersidad at tunay na pangangalaga nito sa kagalingan ng mga estudyante. Dahil dito, kinukwestyon nila kung ang nakaambang taas-singil.

Iginiit din ng konseho sa kanilang sulat na “higit na mas kauna-unawang hakbang ang pagbababa ng matrikula” hindi lamang para sa kagalingan ng mga estudyante, kundi sa diwa ng pagiging patas. “Nananawagan kami sa unibersidad na pakinggan ang mga constituent nito na huwag magpatupad ng panibagong pagtataas ng matrikula,” pahayag ng konseho.

Samantala, naglabas ng sarbey ang UE Manila USC sa mga estudyante kaugnay ng kanilang palagay sa napipintong pagtataas ng matrikula. “Sa nalalapit na konsultasyon kaugnay ng pagtataas ng matrikula at ibang mga bayarin, nais naming magbigay ng malinaw, lohikal at nakabatay sa datos na mga argumento laban sa pagtataas,” ayon sa pangulo ng UE Manila USC sa panayam sa pahayang pangkampus sa UE.

Nanawagan din ito sa lahat ng mga estudyante ng UE na labanan ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin at isulong ang mas mataas na kota para sa mga bibigyan ng scholarship.

Nakiisa ang League of Filipino Students sa panawagan ng mga mag-aaral ng UE at pinangasiwaan nito ang mga pag-aaral at talakayan kaugnay dito sa mga organisasyon at konseho ng UE Manila noong Pebrero 3 at 7.

Nakatakdang magsagawa ng “konsultasyon” ang administrasyon ng UE sa isang pulong sa mga konseho ng mag-aaral sa darating na Pebrero 28 at 29. Ang “konsultasyon” ay iminandato ng Commission on Higher Education para gawing katanggap-tanggap at lehitimo ang pagtataas ng matrikula at iba pang mga bayarin.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!