Tumindig, sumigaw ng “no to mining exploration” pero hindi pinakinggan. Malalim na hinaing ang naramdaman ng 500 B’laan at T’boli na nagtipon sa Sityo Tablo, Barangay Maan, T’boli, South Cotabato nang biglang kinansela ng National Commission for Indigenous People (NCIP) ang dapat ay konsultasyon para sa Free Prior and Informed Consent (FPIC) noong Agosto 22. Ayon sa Social Action Center ng diosesis ng Marbel, walang ibinigay na dahilan ang NCIP sa biglang pagkansela. Ang malinaw, hindi handa ang ahensya na pakinggan sila.
Sa ulat ng SAC, tiniis ng mga B’laan at T’boli ang init ng araw, gutom at uhaw sa open court ng sityo para makalahok at ipakita ang kanilang pagtutol sa kahit anong aplikasyon para sa pagmimina sa kanilang lugar. Ang FPIC na inilalako ng NCIP ay kaugnay sa Mining Exploration Permit Application ng 88 Kiamba Mining and Development Corporation sa hindi bababa 4,235 ektarya sa mga barangay ng Maan at Basag sa bayan ng T’boli.
Naghain na ng mga petisyon ang mga komunidad ng B’laan at T’boli sa Sangguniang Pambarangay ng Basag at Maan noong Agosto 20 at 21 laban sa pagmimina. Pirmado ang mga petisyong ito ng 1,372 residente ng Barangay Basag at 1,892 residente ng Barangay Maan. Suportado ang mga petisyon ng diosesis ng Marbel at mga maka-kalikasang grupo. Naninindigan sila, kasama ang mga minorya, laban sa mapangwasak sa kapaligiran na aktibidad at agresyon sa ngalan ng kaunlaran sa mga protektadong lugar at kagubatan.
Ang 88 Kiamba Mining and Development Corporation ay pinatatakbo ni Mohamad T. Aquia, isang personalidad na diumano’y malapit sa mga Pacquiao ng Saranggani. Naging pinuno siya ng Oplan Kalikasan noong gubernador sa prubinsya si Manny Pacquiao. Nagsilbi din siyang pinuno ng Presidential Anti-Smuggling Group sa Mindanao noong 2010.