Nagprotesta sa Araw ng mga Bayani, Agosto 26, ang mga tinaguriang “makabagong bayani” na mga manggagawang pangkalusugan sa tapat ng Philippine Children’s Medical Center, Quezon City para igiit sa rehimeng Marcos ang kanilang mga karapatan, matagal nang naantalang mga benepisyo, at karagdagang badyet para sa kalusugan. Pinangunahan ang pagkilos ng Alliance of Health Workers (AHW).
Sa protesta, ipinahayag ng AHW ang kanilang pakikiisa sa mamamayang Pilipino sa paggunita sa Araw ng mga Bayani na kumikilala sa kabayahinan ng mga Pilipinong lumaban at nakibaka para sa kalayaan ng bansa. “Ipinapaabot rin namin ang aming marubdob na pasasalamat at pagkilala sa kabayanihan ng aming mga kapwa manggagawang pangkalusugan na buong-pusong inialay ang kanilang kakayahan, oras at buhay noong panahon ng pandemyeng Covid-19,” pahayag ni Benjamin Santos, upisyal sa ugnayang publiko ng AHW.
Anang mga manggagawang pangkalusugan, itinuturing silang “makabagong bayani” ng rehimeng Marcos pero patuloy naman silang binabalewala at hindi pinakikinggan ang kanilang mga hinaing. Kabilang ang sektor sa binaggit at kinilala ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang pahayag sa araw na iyon.
“Higit isang taon na mula nang tinanggal ni Pres. Marcos Jr ang emergency sa pampublikong kalusugan ngunit ang ating mga kapwa manggagawang pangkalusugan sa lokal na mga gubyerno at pribadong mga ospital ay hindi pa rin nababayaran ng buo para sa kanilang health emergency allowance,” ayon kay Santos. Tanong pa niya: “Saan napunta ang ₱27 bilyon badyet na inilabas ng Department of Budget and Management?”
Aniya, dagdag insulto rin sa kanilang sektor ang kamakailang limos na dagdag-sweldong ibinigay ng rehimeng Marcos sa bisa ng Executive Order No. 64. Tanging kakarampot na ₱530 na dagdag sa Salary Grade 1 Step 1 na empleyado o ₱24 kada araw lang ang ibinigay ni Marcos. Ang Nurse 1 naman na SG 15 ay makatatanggap lang ng karagdagang ₱81.55 kada araw.
“Paano namin pagkakasyahin ang kakarampot at hindi sapat na taas sahod? Halos hindi makabili ng isang kilo ng bigas,” pahayag ni Edwin Pacheco, pangulo ng National Kidney and Transplant Institute Employees Association-AHW. Malaon nang panawagan ng AHW na gawing ₱33,000 ang buwanang sweldo sa SG1 na mga kawani.
Muli ring idiniin ng AHW ang kagyat na pagbibigay ng performance-based bonus para sa mga manggagawang pangkalusugan para sa taong 2021-2023. Panawagan rin nila ang regularisasyon at maramihang pagdagdag ng mga manggagawang pangkalusugan para makaagapay sa lubhang kulang na tauhan sa mga ospital.