Ang Bayan Ngayon » Mga manggagawang Pilipino na nawalan ng trabaho sa New Zealand, naggiit ng karampatang tulong


Nagkaisang iginiit ng mga manggagawang nawalan ng trabaho sa New Zealand ang hindi pa naibibigay sa kanila na sahod nang biglang magsara ang kumpanyang nagkontrata sa kanila. Kasabay nito, itinulak nila ang embahada ng Pilipinas na kagyat na ilabas ang tulong at ayudang nararapat sa kanila.

Nawalan ng trabaho ang mahigit 1,000 manggagawa, kabilang ang 495 manggagawang Pilipino, nang nagdeklara ng bankcrupty (pagkabangkarote) ang ELE Holdings Ltd sa New Zealand, apat na araw bago magpasko noong Disyembre 2023. Ang ELE Holdings ay grupo ng limang kumpanya kung saan kabilang ang malaking ahensya sa paggawa (manpower agency) na nag-eempleyo ng mga temporaryong migranteng manggagawa. Marami sa mga ito ay pinahintulutang magtrabaho sa bansa sa bisa ng mga temporary visa, at sa gayon ay nanganganib na mapauwi kung hindi agad makakuha ng bagong visa at trabaho.

Ayon sa Migrante Aotearoa, 46 pa lamang sa mga Pilipinong humingi ng tulong sa embahada ng Pilipinas ang nakatanggap ng ayudang pinansyal noong Enero 13. Hirap ang mga manggagawa sa kanilang kalagayan, at hirap din ang mga pamilyang nakaasa sa kanila na nasa Pilipinas. Sa ngayon, tinutulungan sila ng FIRST Union at Union Network of Migrants (Unemig) para sa kanilang pinakabatayang pangangailangan tulad ng pagkain at iba pa.

Wala pa ring natatanggap na tulong ang mga manggagawa ng ELE na nagkataong nasa Pilipinas nang ito ay magsara.

“Karamihan sa mga manggagawa ng ELE (ay nagpahayag) ng ayaw nilang bumalik sa Pilipinas dahil alam nilang walang available na trabaho para sa kanila doon,” ayon sa Migrante-Aoteroa. “Malaking wake-up call (panggulantang) ito sa gubyernong Pilipino na dapat tinitiyak nitong may disenteng trabaho sa bansa, at itigil ang patakarang labor export laluna’t hindi naman ito handang magbigay ng kagyat na tulong sa mga OFW at kanilang mga pamilya sa mga panahong kailangan nila ang proteksyon at serbisyo ng gubyerno.”

Sa Enero 19, magtitipon ang mga manggagawa ng ELE sa tatlong lugar sa New Zealnad (Auckland, Wellington at Christchurch) para kalampagin ang ELE at ang gubyerno ng Pilipinas na kagyat na ibigay ang sahod at ayudang nararapat sa kanila.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!