Pinatitingkad ng nagaganap na marahas na kumprontasyon sa pagitan ng mga pulis at myembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC0 kung paano ginagamit ng may kapangyarihan ang mga nasa bulnerableng sektor ng lipunan para sa kanilang sariling interes. Humugos sa lansangan patungong Davao City ang ilang daang tagasunod ni Pastor Apollo Quiboloy, pinuno ng KOJC, matapos pasukin ng mga pulis ang compound ng grupo noong Agosto 24. Ang pagpasok na ito ay pangalawa nang tangkang arestuhin si Quiboloy sa mga kaso ng human trafficking, child abuse at contempt of court.
“Ang karumal-dumal na mga kaso (ni Quiboloy) ay sintomas ng mas malawak na sakit ng lipunang matagal nang nagnanaknak sa hanay ng mga may kapangyarihan,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Mindanao Region (Bayan-SMR). “Ang kanilang (mga Marcos at Duterte) pakitang-tao na pagtangan sa karapatang-tao at hustisya ay pantabing para itago ang sarili nilang pananagutan sa pagpapanatili ng isang sistemang mapang-api at di pagkakapantay-pantay.”
Ayon sa Bayan-SMR, insulto ang pagkukunwari ng Ferdinand Marcos Jr na para ito sa hustisya gayong hindi niya kinikilala ang libu-libong pinahirapan sa ilalim ng pasistang diktadura ng kanyang amang si Marcos Sr at ang patuloy na pagdurusa ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng kanyang neoliberal na paghahari. Sa kabilang banda, pinagharian ng mga Duterte ang Davao City at pinalaganap dito ang kultura ng kawalang pakundangan na nagpahintulot ng paglitaw, kundi aktibong nag-udyok, sa mga kriminal na elementong katulad ni Quiboloy. Liban sa mga kasong nakahain sa kanya sa mga korte at sa US sa kasalukuyan, kilala si Quiboloy sa pang-aagaw ng lupa, pagpapalayas ng mga Lumad at mga pagpatay, lahat may basbas ng mga Duterte.
“Parehong sangkot ang parehong kampo ng mga Marcos at Duterte sa sistema sa pulitika na nabubuhay sa pagsasamantala sa mahihirap, pagpapatahimik sa mga tumututol at sa pagpapanatili ng mga pyudal na mga istrukturang panlipunan,” ayon sa grupo.
Panawagan ng grupo sa mga Dabawenyo na magkaisa at labanan lahat ng anyo ng pang-aapi, nakakubli man ito sa relihiyon o pulitika.
“Dapat nating papanagutin ang mga Marcos at Duterte para sa papel ng mga ito sa pagpapalaganap ng inhustisya at di pagkakapantay-pantay,” anito. “Dapat tayong mag-organisa sa mga komunidad, likhain ang kilusan ng mamamayan para hamunin ang mga dinastiyang pulitikal at korap na mga lider na nasa kapangyarihan.”
Anito, ang laban ay hindi lamang sa pagkaribal na mga paksyon ng mayayaman. “Ang laban ay sa pagitan ng inaaping mamamayan at ng sistemang nilikha para panatilihin tayong api. Itinatakwil natin ang pekeng pagpipilian sa pagitan ng dalang magkaribal na mapang-api.”