Binigyang parangal at pagpupugay ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa Southern Tagalog ang mga nabuwal na mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Batangas (Eduardo Dagli Command) sa pag-atake ng 59th IB noong Marso 26 sa Barangay Elvita (Tubahan), Rosario, Batangas. Kabilang sa mga namartir ang namumunong kadre ng kilusang rebolusyonaryo sa Batangas na si Junalice Arante-Isita (Ka Arya), na gumagampan rin bilang kagawad ng komite ng Partido sa rehiyon. Napaslang din sa labanan sina Bernardo Bagaas (Ka Mamay/Mike) at Erickson Cueto (Ka Ricky/Vale).
Si Ka Arya ay mula sa Lipa City, Batangas at naunang naorganisa sa kanyang kabataan noong 2004 sa Metro Manila. Muli siyang naugnayan ng rebolusyonaryong kilusan sa Batangas mula sa pansamantalang pagpapahinga at dito na nagtuluy-tuloy ang paggampan niya sa susing mga tungkulin sa prubinsya. Kabilang na dito ang paglalabas ng rebolusyonaryong pahayagan na Lagablab ng Batangan at paggampan ng mga tungkuling pangkultura.
Noong 2020, gumampan siya ng mahalagang papel sa muling pagbabalik sa malawak na erya ng Silangang Batangas bilang kalihim ng binuong komite ng Partido at yunit ng hukbong bayan. Dahil sa taglay na husay at dedikasyong ipinamalas sa pagtupad sa mga tungkulin sa Partido, nahalal siya bilang kagawad ng Komiteng Rehiyon noong Enero 2022.
“Bilang batang kadre ng Partido at upisyal ng Hukbong bayan, masigasig na tumupad sa atas si Ka Arya. Lagi siyang nagsisikap na tupdin ang mga ito at ibinibigay ang ganang kaya para mahusay itong magampanan,” pahayag ng Komiteng Rehiyon.
Pinangibabawan niya ang kanyang mga limitasyong pisikal. Naging matiyaga siya sa mga lakaran kahit mabigat ang dala, pagbabahagi pa ng mga kasama.
“Hindi malilimutan ng masang Batangueño at mamamayan ng Southern Tagalog ang dakilang ambag ni Ka Arya laluna sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan sa Batangas,” pahayag ng Komiteng Rehiyon. Kabilang siya, at sina Ka Mamay/Mike at Ka Ricky/Vale, sa di mabilang na mabubuting anak ng Batangas na pinanindigan ang opensibang postura at di napatinag sa anumang panggigipit at paniniil ng estado’t armadong galamay nito.
Pagbawi sa mga bangkay
Iniulat ng Karapatan-Southern Tagalog at Tanggol Batangan ang pagsisikap nito sa nagdaang linggo na bawiin ang mga bangkay ng mga napaslang na mandirigma. Anang grupo, nakikipag-ugnayan sila sa lokalidad para tulungan ang pamilya ng mga napaslang at para alamin kung may naitala bang mga paglabag sa karapatang-tao at sa internasyunal na makataong batas.
Binatikos ng grupo ang pag-antala at panggigipit ng 59th IB at PNP Rosario. Sa ulat ng tim na ipinadala ng Karapatan-Southern Tagalog, inantala ang proseso sa mabilis na pagkuha ng labi ng mga nasawi na labis na nakaapekto sa mga pamilya.
Isiniwalat din ng grupo sa karapatang-tao ang “pagdikit” at patagong pakikipag-usap ng mga upisyal ng 59th IB sa mga kaanak ng napaslang. Ipinagtataka ito ng grupo at sinabing tila katulad ito ng taktika ng militar noong Disyembre 2023 kung saan ginipit ang pamilya para maitago ang mga bakas ng paglabag sa internasyunal na makataong batas.
“Naninindigan ang Karapatan Southern Tagalog na kailangang managot ang 59th IB sa mga paglabag nito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL, at ibigay na ang mga labi sa pamilya nito,” ayon pa sa grupo.