Nagprotesta sa Mendiola sa Maynila ang mga gurong kasapi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines kaninang umaga, kasabay ng pagbubukas ng klase para sa taong 2024-2025 sa buong bansa. Binatikos nila ang kapabayaan ng rehimeng Marcos at mga palpak na patakaran nito sa edukasyon.
Ayon sa mga guro, bigo ang rehimeng Marcos na tugunan ang kronikong kakulangan ng mga klasrum, guro, mga tauhang pansuporta sa sektor ng edukasyon, kagamitan sa pagtuturo at mga pasilidad. Higit pa umanong nadoble ang mga suliraning ito nang manalasa ang bagyong Carina sa maraming prubinsya.
Inihayag din nila sa protesta ang pagkadismaya sa napakabigat na “workload” na binabalikat nila, katulad ng kurikulum na MATATAG at “blended learning” na napatunayan nang palpak noong panahon ng pandemya.
“[Sa MATATAG], pipigain ang karamihan sa mga guro sa walong klaseng dapat turuan sa isang araw dahil sa pagpapaikli ng oras ng klase,” ayon kay Vladimer Quetua, ACT Chairperson.
Idiniin pa ni Quetua na hindi dapat pinag-eeksperimentuhan ng rehimen at Department of Education ang mga guro at estudyante sa kung anu-anong mga kurikulum. “Mahigpit naming iginigiit na kaagad ipahinto ang implementasyon ng kurikulum ng MATATAG,” ayon pa sa lider-guro.
Sa kanilang protesta, dala-dala ng mga guro ang sira-sira at butas-butas na mga payong na sinulatan nila ng mga kasalukuyang krisis na kinahaharap ng sektor ng edukasyon. Simbolo umano ito ng palpak na mga patakaran at pagbalewala sa kalagayan ng sektor sa bansa.
Panawagan ng mga guro ang dagdag-badyet para sa edukasyon at paglalaan dito ng 6% ng gross domestic product ng bansa. Dapat din umanong kagyat na magpatupad ng makatarungang dagdag-sweldo para sa mga guro at manggagawa sa sektor ng edukasyon.
Ngayong araw din, bumisita sa mga eskwelahan sa Metro Manila si ACT Teachers Representative France Castro para kumustahin at alamin ang kalagayan ng mga guro, estudyante at mga paaralan sa pagbabalik-eskwela. Pinangunahan naman ng ACT National Capital Region Union sa maraming eskwelahan sa rehiyon ang kampanya ng “selfie” at “groufie” o pagkuha ng litrato kasama ang mga guro habang mayroong hawak na mga panawagan sa rehimeng Marcos at DepEd.