Ang Bayan Ngayon » Paglabag sa internasyunal na makataong batas ng AFP sa kampanyang aerial bombing, binatikos


Binatikos ng grupong International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) ang lansakang paglabag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa internasyunal na makataong batas (IHL) sa paglulunsad nito ng labis-labis at superyor na lakas na mga pag-atake at kampanyang aerial bombing laban sa maliit at mahihinang istruktura ng mga kampo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

“Mahigpit na kinukundena ng ICHRP ang disproportionate na paggamit ng armas ng 403rd IBde, 4th ID ng AFP sa aerial bombing nito noong Disyembre 25 hanggang Disyembre 26, 2023 sa Malaybalay City, Bukidnon,” ayon kay Peter Murphy, chairperson ng koalisyon. Giit niya, ipinakikita nito ang lantarang kawalang respeto ng AFP sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.

Ayon sa paunang ulat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Bukidnon, naghulog ng apat na bomba ang Tactical Air Wing ng 4th ID sa isang temporaryong kampo ng hukbo sa Barangay Can-ayan, Malaybalay City. Dalawang araw matapos nito, muli itong nambomba sa Sityo Bagong Lipunan, Barangay Linabo sa bayan ng Quezon. Labis-labis at walang patumangga ang paghuhulog ng ilang 250-libras na bomba, na naghasik ng teror sa mamamayan ng Bukidnon.

Napaslang sa pambobomba sa Malaybalay City ang 10 indibidwal na nasa kampo noon ng BHB. Sa ulat, nagkalasug-lasog ang katawan ng mga tinamaan dahil sa labis-labis na lakas ng mga bombang ginamit ng AFP. Gumamit din ang AFP ng mga kanyong ATMOS 2000 na binili pa nito sa Israel.

Ang paggamit ng malalakas na bomba ay “likas na indiscriminate” o walang pinipili, nagsasapanganib sa buhay at kabuhayan ng mga sibilyan at nagdudulot ng malawak na pagkawasak sa kapaligiran. Sa katotohanan, lagpas sa ground zero ang epekto ng pambobomba ng AFP mula sa ere. Winasak nito ang kapayapaan, nagdulot ng malawak na takot, panic at troma sa mga residente sa kalapit na mga komunidad at winawasak ang kagubatan na pinagkukunan nila ng pagkain at kabuhayan.

Liban dito, binatikos ng ICHRP ang naganap ang pag-atake at walang habas na pamamaril ng 59th IB sa yunit ng hukbong bayan sa Barangay Malalay, Balayan, Batangas noong Disyembre 17, 2023. Napatay dito ang limang Pulang mandirigma at dalawang sibilyan na sina Pretty Sheine Anacta (19) at si Rose Jane Agda (30). Dumadalaw ang dalawa sa kanilang kaanak na Pulang mandirigma ng BHB nang paslangin.

Ayon sa nakalap na ulat ng BHB, hinimatay si Pretty Sheine sa unang bugso ng pamumutok ng mga pasistang tropa, bago siya tuluyang pinatay ng militar. Kasuklam-suklam naman ang sitwasyon ni Rose Jane nang makita ang bangkay niya sa punerarya kung saan nakababa ang pantalon nito, palatandaang pinagsamantalahan siya.

Samantala, dinakip at hanggang ngayon ay hindi pa inililitaw ng militar ang sugatang mandirigma na si Baby Jane Orbe (Ka Binhi). Sang-ayon sa mga panuntunan ng internasyunal na makataong batas, dapat kilalanin ang kanyang mga karapatan ng katunggaling armadong pwersa.

“Sa paggamit nito ng labis-labis na lakas at paghahasik ng lagim sa lokal na mga magsasaka sa mga opensibang ito, nilabag ng AFP ang IHL at nagpamalas ng lantarang pagbalewala sa kagalingan ng mamamayan,” ayon pa kay Murphy.

Dagdag pa niya, higit na nakagugulantang ang mga paglabag na ito sa alituntunin ng digma kasunod ang kamakailang indikasyon ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) na muling makipagnegosasyon sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na kumakatawan sa 18 rebolusyonaryong mga organisasyon kabilang ang BHB.

Binigyang diin ni Murphy na ang brutal na mga pag-atakeng ito sa kanayunan ay bahagi ng kontra-insurhensyang estratehiya ng rehimeng US-Marcos na gumagamit ng sapilitang pagbabakwit, pag-hamlet at rekonsentrasyon ng mga komunidad, peke at sapilitang pagpapasuko sa mga sibilyan, arbitraryong pag-aresto, mga pagdukot at desaparesido, tortyur at ekstra-hudisyal na mga pagpatay.

“Sa harap ng brutalidad na ito ng AFP sa gera nito laban sa BHB, pinagtitibay ng ICHRP ang suporta sa panawagan ng mamamayang Pilipino para sa tunay na solusyon sa armadong tungglian sa pagtugon sa mga ugat nito kabilang ang malawakang kahirapan, kawalan ng trabaho at mga industriya, at ang hindi patas na pamamahagi ng lupa,” pahayag pa ni Murphy.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!