Ang Bayan Ngayon » Paglobo ng bilang ng lumilipat na botante sa isang bayan sa La Union, ikinabahala

August 22, 2024


Nagpahayag ng pagkabahala ang mga residente ng bayan ng Pugo sa La Union sa biglaang pagdami ng bilang ng mga lumilipat na botante sa kanilang bayan. Sumuporta ang La Union Peace and Justice Advocates (LUPJA) sa panawagan ng mga residente sa Commission on Elections (Comelec) na imbestigahan ang sitwasyon. “Karaniwang ginagawa ito ng mga pulitiko sa bansa, hindi lamang para manipulahin ang resulta kundi ipagkait sa mamamayan ng karapatang mamili at maghalal ng kanilang mga upisyal,” ayon pa sa grupo.

Upisyal na binuksan ng Comelec ang pagrerehistro para sa eleksyong 2025 noong Pebrero 12 at magtatapos sa Setyembre 30.

Anang LUPJA, ang nangyayari sa Pugo ay “maliit na bahagi lamang sa mas malaking usapin.” Inaasahan nitong na higit pang titindi ang mga girian at tunggalian sa harap ng paghahanda ng mga dinastiya sa pulitika at kanilang tagasuporta sa darating na eleksyon.

“Mas maraming pandaraya at karahasang may kaugnayan sa eleksyon ang inaasahan namin,” pahayag pa ng LUPJA. Noong eleksyong 2022, naitala ng Kontra Daya ang higit 9,000 mga ulat ng pandaraya kung saan halos 3,000 dito ang kumpirmado nila.

Nanawagan ang LUPJA sa publiko na maging mapagbantay laban sa ganitong mga porma ng pandaraya sa eleksyon. “Sa paglitaw ng ganitong mga isyu, higit na nagiging kagyat ang pangangailangan para sa kritikal at nakabase sa komunidad na mga grupong magbabantay sa eleksyon,” pagdidiin nila.

Inaasahang pangungunahan ng Kontra Daya ang kampanya sa pagtutulak ng malinis, mapayapa at demokratikong eleksyon sa darating na 2025. Naniniwala ang grupo na mas magiging madaya, magulo, at madugo ang reaksyunaryong eleksyon sa Mayo 2025 sa harap ng umiigting na tunggalian sa pagitan ng kampong Marcos at Duterte.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss