Muling nagtipon at nagprotesta ang mga manininda at mag-aaral ng komunidad ng University of the Philippines (UP)-Diliman sa Area 2 sa kampus para tutulan ang nakatakdang “clearing operation” noong Agosto 19. Mayroong banta ng pagpaplayas sa mga manininda na nakapwesto sa Old Tennis Court ng kampus sa araw na iyon. Pinangunahan ang pagkilos ng UP Not for Sale Network at Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (Stand UP).
Sa isang sulat noong Agosto 5, ipinabatid ng UP Office of the Vice Chancellor for Planning and Development (OVCPD) sa mga manininda ang naturang operasyon para magbigay daan sa proyektong parking lot ng komersyalisado at maka-malaking negosyo na DiliMall.
Kasunod nito, isang babala rin ang ipinadala ng Department of Public Works and Highways sa ilang myembro ng UP Shopping Center Stallholders Association (UPSCSAI) upang umalis sa kanilang mga tindahan. Binigyan lamang sila ng hanggang Agosto 18 at sinabing pagsapit ng Agosto 19 ay babakuran na ang mga pwesto nila.
“Matagal na rin po kaming nakikipaglaban, nakikipag-usap sa UP na mahigit anim na taon na usapan lang… ngayon, hindi namin maunawaan ang mga ginagawa nilang pangha-harass na ganito,” pahayag ni Edward Fernando, pangulo ng asosasyon, sa panayam sa pahayagang Tinig ng Plaridel.
Ang operasyon ay kadugtong ng naunang “clearing operation” noong Abril 22 sa Area 2. Sa pagkakataong iyon, kinumpiska at tinapon ng mga lokal na ahensya ang mga kagamitan ng mga manininda, tulad ng mga stall, lamesa, upuan, mga halaman at karatula, dahil diumano lagpas ang mga ito sa itinakdang lugar na sakop ng kanilang mga tindahan.
Ayon kay Francesca Duran, bagong hirang na rehente ng mga mag-aaral ng UP, ang mga operasyong ito ay banta sa kaligtasan at kabuhayan ng mga residente ng UP upang magbigay daan sa pagpapa-upa ng lupa ng UP sa mga pribadong korporasyon.
Panawagan naman ni Narry Hernandez ng Samahan ng mga Manininda sa UP Campus na magkaroon ng maayos at malawak na konsultasyon ang administrasyon ng UP kasama ang mga miyembro ng komunidad ng UP kaugnay nito. Dagdag pa niya, hindi dapat ginagawang negosyo ang mga serbisyo na dapat natatamasa ng komunidad ng UP.
Ang itinayong DiliMall ay patatakbuhin ng CBMS Retail Business Development Consultancy. Nakatakda itong pwestuhan ng PowerMac, UCC, Robinsons at iba pang mga hayok-sa-tubong malalaking negosyo. Malaon nang giit ng mga demokratikong sektor ng UP-Diliman na dapat panatilihing abot-kaya ang mga serbisyo sa loob ng kampus sa halip na patuloy itong gawing komersyalisado.