Ang Bayan Ngayon » Pagsisante sa libu-libong manggagawa sa Davao del Sur, binatikos ng KMU-SMR


Binatikos ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region ang pagsisante ng Franklin Baker Inc sa libu-libo nitong manggagawa. Ang kumpanya ay nagmamanupaktura ng niyog na nakabase sa Santa Cruz, Davao del Sur.

Iniulat sa KMU na biglaan at walang paliwanag ang pagsisante ng kumpanya sa 3,200 manggagawa noong Oktubre 3. Ipinaabot ng kumpanya ang pagtatanggal sa pamamagitan ng mensahe sa isang Facebook group. Hanggang ngayon, hindi malinaw sa mga manggagawa ang kanilang istatus.

“Alinsunod sa Labor Code ng Pilipinas, dapat agad na ipinaalam ng employer (sa kasong ito ng Franklin Baker) sa mga manggagawa ang anumang suspensyon o pagtatanggal at ipaliwanag ang mga dahilan para rito,” pahayag ng KMU-SMR noong Oktubre 29. Iginiit ng sentro na dapat agad tugunan ng Department of Labor and Employment ang usapin at bigyan ng kinakailangang suporta at ligal na tulong ang sinisanteng mga manggagawa.

Kahit ilang taon na silang nagtatrabaho sa kumpanya, halos lahat ng mga manggagawa ng Franklin Baker Inc ay mga kontraktwal. Liban sa pabrika sa Davao del Sur, mayroon din itong pabrika sa San Pablo, Laguna. Kada taon, nakagagawa ang dalawang pabrika ng 30 milyong kilo ng dessicated coconut (pinatuyong niyog) at 4 na milyong litrong coconut water concentrate.

Subsidyaryo ang kumpanyang ito ng Franklin Baker Company, isang kumpanyang Amerikano. Nagsusuplay ito ng mga produktong niyog sa malalaking monopolyong kumpanya sa pagkain tulad ng Kraft foods, Kelloggs, Nestle at iba pa.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!