Ang Bayan Ngayon » Pagtaas ng presyo ng isda sa palengke, isinisi sa malalaking trader—mga mangingisda


Isinisi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa mga pribadong trader bilang salarin sa pagtaas ng presyo ng iba’t ibang klase ng isda sa mga palengke kasunod ng pagsalanta ng bagyong Kristine at Leon. Ayon sa grupo, sinasamantala ng gahamang mga komersyante ang pagkakataon para manipulahin ang presyo.

Sa pagbabantay ng grupo, tumaas ang presyo ng galunggong tungong P220 hanggang P240 bawat kilo, P160 hanggang P180 bawat kilo ang tilapia, at P180 bawat kilo naman ang bangus sa nagdaang mga araw.

“Hindi ang bagyo at lalong hindi mga mangingisda ang dahilan ng pagsirit ng presyo ng isda sa palengke, kundi ang mga pribadong trader,” ayon kay Ronnel Arambulo, ikalawang tagapangulo ng Pamalakaya at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.

Paliwanag niya, “habang napakababa ng farm gate price ng isda sa maliliit na mangingisda, nagtataasan naman ang presyo ng mga ito sa pamilihan.” Nasa ₱50 hanggang ₱60 kada kilo lamang ang farm gate price ng tilapia, triple sa P180 kada kilo na presyo sa palengke.

Bilang solusyon sa tumataas na presyo sa palengke, iminungkahi ni Arambulo na obligahin ang Department of Agriulture na magkaroon ng kongkretong hakbang para tiyaking hindi sinasamantala ng mga trader ang presyo ng isda sa pamilihan. .

Iginiit rin ni Arambulo ang pangangailangang direktang bilhin ng gubyerno ang huli ng mga mangingisda para makatulong sa kanila at nang maibenta nang abot-kaya sa mga palengke.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!