Ang Bayan Ngayon » Pagtitipon-parangal para sa mga Bayani ng Agosto ng Panay, inilunsad

August 31, 2024


Higit 100 katao ang nakiisa sa isinagawang programa ng parangal para sa mga Bayani at Martir ng Agosto ng Panay noong Agosto 26 sa Iloilo. Dumalo sa pagtitipon ang mga kaibigan, pamilya at mga dating kasama ng 11 nabuwal na mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Panay at mga kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas sa rehiyon. Nagtalumpati at nag-alay sila ng mga tula para sa mga martir.

Kinilala at pinarangalan sa pagtitipon sina Maria Concepcion Araneta-Bocala (Ka Concha), Vicente Hinojales (Ka Hadjie/Ka Emil), Aurelio B. Bosque (Ka Zarco/Baijan/Rio), Jose Jerry Tacaisan (Ka Miller/Bronze), Bemjamin Cortel (Ka Amor/Ruby/Mamang), Romulo Iturriaga Gangoso (Ka Reagan/Biboy/Pedik), Jielmor Gauranoc (Ka Doc/Tango/Baron), Juvylene Silverio (Ka Kaykay/Purang), Armando Savariz (Ka Nene/Kulot), Rewilmar Torrato (Ka Minerva/Mara/Moray) at John Paul Capio (Ka Ronron).

Nabuwal ang magigiting na anak ng bayan sa sunud-sunod na armadong engkwentro sa mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula Agosto 5 hanggang 15 sa mga bayan ng Calinog at Lambunao, at noong Agosto 24 sa Valderrama, Antique.

Ang araw ng parangal ay itinaon sa ika-74 na kaarawan ni Ka Concha. “Hindi na naabot ni Chacons, ang mapinalanggaon (mapagmahal) nga tawag natin kay Ka Concha, ang kanyang ika-74 na taong kaarawan sa araw na ito. Ang sakit sa dibdib at ang sakit sa puso. May pagdalamhating naramdaman pero walang-walang panghihinayang dahil ang mamamatay dahil sa prinsipyo at pagmamahal sa bayan ay kamatayang maluwalhati—a glorious death!,” pagpaparangal ni Ka Judy Taguiwalo, kasabayang aktibista ni Ka Concha noong diktadurang US-Marcos.

Sa panahon ng kanyang pagkamartir, nagsilbi si Ka Concha bilang isa sa pangunahing upisyal ng Panrehiyong Komite ng Partido sa Panay at konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa negosasyong pangkapayapaan. Naging pultaym siyang kadre at organisador noong 1972 at tuluyang tinalikdan ang lahat ng kaginhawahan at pribilehiyo ng uring panginoong maylupa na kanyang pinagmulan. Gumampan siya ng susing tungkulin sa pagbubukas ng mga larangang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa isla ng Panay.

Kinilala ni Ka Julie de Lima, chairperson ng NDFP Negotiating Panel, ang mga ambag ni Ka Concha sa usapang pangkapayapaan. Naging kasapi si Ka Concha ng Joint Monitoring Committee para subaybayan ang pagpapatupad sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Binasa rin sa programa ang parangal ng Komite Sentral ng Partido sa mga Bayani at Martir ng Agosto ng Panay. Binigyan ng pamunuan ng Partido ng pinakamataas na parangal si Ka Hadjie, kagawad ng Komite Sentral at kalihim ng Panrehiyong Komite ng Partido sa Panay. Kabilang siya sa mga nakababatang kadre ng Partido na gumagampan ng mahahalagang tungkulin sa pamumuno ng rebolusyon sa mga nakaraang taon. Nanguna siya sa rehiyon ng Panay mula 2016, matapos na gumanap ng mahalagang bahagi sa komprehensibong paglago ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa Northeast Mindanao mula 2006 hanggang 2016.

Dinakila ng Komite Sentral ang iba pang mga Martir ng Agosto para sa kanilang “pakikipaglaban sa pasistang rehimeng Marcos, pagtatanggol sa karapatan ng aping masa ng mga manggagawa at magsasaka, at pakikipaglaban kaagapay ng sambayanang Pilipino upang kamtin ang kanilang ilang siglo nang hangarin para sa tunay na kalayaan at demokrasya.”

Nagparangal rin sa mga martir ang mga balangay ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid at Revolutionary Council of Trade Unions sa Panay. “Ubusin man ng kaaway ang BHB, sa malaon man at madali, mag-aalsa pa rin ang mamamayang api at pinagsasamantalahan. Ito ang pangako ng rebolusyonaryong kilusan ng mga magsasaka sa Panay,” ayon sa PKM-Panay.

Naglabas rin ng mensahe ng pagpupugay ang rebolusyonaryong kilusan mula sa Southern Tagalog at Negros. Isang pahayag rin ang ipinaabot ng Friends of the Filipino People in Struggle, pandaigdigang organisasyong sumusuporta sa rebolusyong Pilipino.

Pagbabahagi ng ilang dumalo sa programa ng parangal, puno ng diwa ng paglaban ang aktibidad.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss