Nagsagawa ng pagsamba (liturgical celebration) ang National Council of Churces of the Philippines (NCCP) at Philippine Ecumenical Peace Forum noong Setyembre 1 para gunitain ang ika-32 taong paglagda sa The Hague Joint Declaration ng mga kinatawan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) sa The Hague, Netherlands.
“Sa harap ng GRP-NDFP Joint Statement noong Nobyembre 23, 2023, na nagpahiwatig ng posibleng muling pagbubukas/pagsisimula ng negosasyong pangkapayapaan, mahigpit na umaasa ang mga taong-simbahan para sa pagtutuloy ng usapang pangkapayapaan, na lalong nagiging kagyat sa harap ng iba-ibang mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas mula Nobyembre,” pahayag ng NCCP.
Kinilala ng mga taong-simbahan ang The Hague Joint Declaration bilang kasunduang nagtakda ng mga layunin ng negosasyon, na una, ang pagwawakas sa armadong sigalot sa pamamagitan ng pagharap sa mga ugat nito at pangalawa, ang pagkakamit ng isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Panawagan ng mga taong-simbahan na ituloy ang usapang pangkapayapaan, na nagkaroon na ng panimulang kasunduan noong nakaraang taon.
Itinakda nilang Internasyunal na Araw ng Pagdarasal para sa Makatarungang Kapayapaan sa Pilipinas ang Setyembre 1.
Bilang pakikiisa, nag-alay ng dasal ang Christian Conference of Asia (CCA) para sa kapayapaan at rekonsilyasyon sa Pilipinas.
“Di pa rin natutugunan ang mga ugat ng umiiral na sigalot sa Pilipinas, at napatunayan nang di sapat ang mga solusyong militar para maabot ang resolusyon ng sigalot at ang pangmatagalang kapayapaan,” ayon kay Dr. Mathews George Chunakara, pangkalahatang kalihim ng CCA. “Dapat tugunan ng kumprehensibong pag-uusap ang mga inhustisyang panlipunan, agwat sa ekonomya at mga paglabag sa karapatang-tao na nagpapaliyab sa sigalot sa lipunang Pilipno.”
“Ang pagpapatuloy ng mga operasyong militar, red-tagging at pang-aabuso sa karapatang-tao ay lalong nagpapalalim sa hidwaan sa mamamayan at mga komunidad, at nagpapalawig sa pagdurusa ng mahihirap at mamamayang nasa laylayan,” aniya.
Sa nakaraang buwan, animo’y nag-uurong-sulong ang GRP sa komitment nito sa usapan. Sa isang presss conference noong Agosto 19, sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año na hindi niya nakikitang matutuloy ang usapang pangkapayapaan dahil sa aniya’y “pagtutol sa lokal na antas” laban sa pagtatakwil sa armadong pakikibaka.
Kinundena ng mga rehiyunal na upisina ng NDF at mga kumand ng Bagong Hukbong Bayan ang pahayag na ito, at tinawag si Año bilang numero unong tagasabotahe ng usapan. Binatikos din nila ang layunin ng rehimeng US-Marcos na pasukuin ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng usapan. Pinabulaanan nila ang paratang ni Año na “di nagkakaisa” ang mga rebolusyonaryong pwersa, at sinabing nagkakaisa ito mula pambasang pamunuan hanggang sa mga pinakabatayang organisasyon sa lokalidad sa pagpasok at paglahok sa peace talks.
Sinalungat ang pahayag na ito ni Año ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez Jr ngayong araw, Setyembre 2. Sa press conference ng ahensya, kinumpirma ni Galvez na nagpapatuloy ang exploratory talks sa pagitan ng dalawang panig. Sinabi pa niyang “very optimistic” o positibo ang rehimeng Marcos sa pagtutuloy ng usapan.