Ang Bayan Ngayon » Pahayag na 80% na ang pumaloob sa konsolidasyon ng PUV, pinasinungalingan ng Piston at Manibela

August 20, 2024


Muling binatikos ng mga tsuper at opereytor ng tradisyunal na mga dyip ang bogus at mapanlinlang na datos ng rehimeng Marcos na “mayorya” o 80% na ang pumaloob sa programang Public Utility Vehicle Modernization Program (ngayo’y Public Transport Modernization Program o PTMP). Ipinahayag nila ito kasunod ng pagdadahilan ni Sen. Risa Hontiveros, lider ng Akbayan Citizen’s Action Party, noong nakaraang linggo sa hindi niya pumirma sa resolusyon para sa suspensyon nito dahil “signipikanteng mayorya” na ang pumaloob sa iskema.

Anang senadora, nag-alinlangan siyang pumirma sa resolusyon dahil sa rason na ito. “Huwag naman silang madehado, di ba? Kasi sumunod na sila eh, pumasok na sila at nagsimula na silang mag-comply,” pahayag niya. Tanging si Hontiveros ang hindi pumirma sa 23 senador sa naturang resolusyon.

Pinasinungalingan ng Manibela (Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon) at Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide), mga grupo ng karaniwang tsuper at opereytor ng dyip, ang pahayag at datos na ito.

Ayon sa kanila, ang sinusukat ng 80% ay ang dami ng mga napilitan, tinakot at nalinlang na pumaloob sa konsolidasyon. “Ang tunay na tagumpay ng isang programa ay nasusukat sa tama at kalidad ng implementasyon, hindi sa dami ng NAPILITANG sumunod,” pagdidiin pa ni Mar Valbuena, pangulo ng Manibela.

Para sa Piston, mismong ang nagpapatuloy at sunud-sunod na protesta at iba’t ibang pag-iingay ng mamamayan sa buong bansa laban sa programang ito ang patunay na isinusuka ng masang Pilipino ang negosyong modernisasyon. “At bakit hindi? Malinaw na tatanggalan nito ng kabuhayan ang libu-libong mga tsuper at operator, ibabaon sa utang ang mga nauna nang pumasok sa programa,” ayon pa sa grupo.

Sa datos ng mga grupo ng tsuper, halos 140,000 na drayber, 60,000 na maliliit na opereytor, at higit 28.5 milyong komyuter ang pinahirapan ng sapilitang konsolidasyon at bogus na modernisasyon. Mula pa 2017, nang sinimulang ipatupad ito ng noo’y rehimeng Duterte, kabi-kabilang mga welga at protestang bayan na ang isinagawa ng mga tsuper at opereytor. Dahil sa mga pagkilos na ito, ilang ulit na itong napaatras at naantala.

Inihayag naman ni Hontiveros bilang ikalawang rason ng hindi pagpirma sa resolusyon ay para “mapabuti din yung riding experience, mas active transport sana para sa mga pasahero naman natin.” Isa rin ang dahilang ito sa ibinabanderang rason ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para isagasa ang programa sa kapinsalaan ng mas nakararami.

Anang Piston, maging mga komyuter ay sasagasaan ng PTMP dahil sa kaakibat nitong pagtaas ng pamasahe, at sa pagwasak sa suplay ng pampublikong transportasyon. “Malinaw na ang dehado sa public transport modernization program ay ang buong sambayanang Pilipino, hindi lamang ang mga pumasok sa programa,” anito.

Paninidigan ng grupo, “kailangang ipaglaban ang malayang pagkalas at pag-withdraw ng mga operator mula sa mismong programa, at ang pagputol ng kadena ng utang na pinagsadlakan sa kanila ng programang ito.”

Samantala noong Agosto 19, hinarap ni Senate President Francis Escudero ang mga tsuper at opereytor ng dyip, kabilang ang Manibela at Piston, sa isang dayalogo. Matapos ang pag-uusap, ipinahayag ni Escudero na kumbinsido siyang marami pang usapin na dapat tugunan bago pilitin ang mga tsuper at opereytor na sumunod sa PTMP.

Kasunod ang dayalogo ng tatlong araw na tigil-pasada at mga kilos protesta noong Agosto 14 hanggang Agosto 16 sa Metro Manila, Bacolod City at Iloilo City ang Piston at Manibela para idiin ang kanilang pagtutol sa programang ito.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Divorce Bill, pasado sa ikalawang pagbasa   – Pinoy Weekly

Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 9349 o

Ang Bayan Ngayon » Mag-asawang sibilyan sa Himamaylan City, brutal na pinaslang ng 94th IB

Brutal na pinaslang ng mga sundalo ng 94th IB ang