Ang Bayan Ngayon » Panata kontra dinastiyang pulitikal, inilunsad ng Koalisyong Makabayan


Sama-samang pumirma kahapon, Oktubre 14, ang mga kandidato pagkasenador at kinatawan ng mga partido sa ilalim ng Koalisyong Makabayan sa isang panata laban sa mga dinastiyang pampilitika sa Pilipinas. Inilunsad nila ang simbolikong paglagda sa isang pagtitipon sa Quezon City.

Ipinahayag sa panata ang labis na pagkabahala sa pamamayagpag ng mga dinastiyang pulitikal sa halalang 2025. “Mga magkakapamilya, magkakapatid, mag-ama, mag-ina, buong mga angkan, ay nagpapaligsahan para makopo ang mga halal na pusisyon at ilagay ang kapangyarihan sa kamay ng iilang pamilya,” ayon sa Makabayan.

Ayon sa panata, mula lokal hanggang pambansang mga pusisyon, naglipana ang mga dinastiya na sumasagka sa ordinaryong mamamayan na makalahok at mahalal.

Sa isang pag-aaral ng mga propesor mula sa Ateneo School of Government noong 2019, lumaki ang porsyento ng mga “matatabang” dinastiya o iyong mayroong sabay-sabay ng magkakapamilyang nasa poder mula 19% noong 1977 tungong 29% noong 2017. Sinabi sa pag-aaral na noong 2001, mayroong 1,303 pamilyang pampulitika na may tig-dalawang myembro na nasa poder, 257 pamilya na mayroong tig-tatlo sa poder, at 157 pamilya na mayroong tig-apat o higit pa. Lumaki pa ito noong 2019 tungong 1,548 na may tig-dalawa, 339 na may tig-tatlo at 217 na may tig-apat o higit pa.

Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 11 myembro ng pamilyang Marcos-Romualdez ang nakaupo sa poder. Hindi naman bababa sa apat ang mula sa dinastiya ng mga Duterte. Sa Senado, anim sa 24 na pwesto ay hawak ng mga pulitiko mula sa tatlong “matatabang” dinastiya.

Sa darating na halalang 2025, kung mananalo ang mga dinastisyang pulitikal, siyam sa 24 na pusisyon sa senado (o higit sangkatlo) ang kokopoin ng mga pamilyang ito. Kabilang sa maaaring maupo ang tatlong Tulfo, dalawang Villar, dalawang Cayetano, at ang dalawnag Estrada/Ejercito.

“Tutol kami sa ganitong kalakaran,” pahayag ng koalisyon. Ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa kamay ng iilan ay taliwas sa demokrasya. Nagiging kundisyon umano ito para sa kurapsyon at naglilingkod lang para sa makitid na interes ng mga nasa poder at kanilang mga pamilya. “Hindi family business ang serbisyo publiko,” anito.

Nakasaad rin sa panatang pinirmahan ng koalisyon ang pangako na kapag nahalal ay walang myembro ng kanilang kagyat na pamilya ang tatakbo sa iba pang halal na pusisyon, pambansa man o lokal. Nangako rin silang maghahain o susuporta sa isang Anti-Dynasty Bill alinsunod sa prinsipyong itinatakda ng Konstitusyon, gayundin sa anumang inisyatiba para maipagbawal ang mga dinastiyang pampulitika.

Iba’t ibang bersyon na ng panukalang batas kontra sa dinastiyang pampulitika ang inihain sa senado at kongreso ngunit pinatutulog lamang ang mga ito sa antas-komite pa lamang. Kabilang dito ang bersyon na inihain noong Agosto 2022 ni Rep. Raoul Manuel, kinatawan ng Kabataan Party-list at isa sa mga tagapangulo ng Koalisyong Makabayan.

“Ang pagbabago ay dapat simulan naming mga tumatakbong kandidato. Hinahamon namin ang iba pang kandidato na gawin ang panatang ito alang-alang sa interes ng ating bayan,” ayon pa sa panata.

Nanawagan naman ang Koalisyong Makabayan sa taumbayan na sama-samang kumilos at itakwil ang mga dinastiyang pampulitika at maghalal ng mga tunay na kakatawan sa interes ng malawak na mamamayan, hindi lang ng iilan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!