Ginunita ng mga pambansa-demokratikong grupo, kasama ang mga pamilya, kaibigan at tagasuporta ng mga biktima ng sapilitang pagkawala ng estado, ang Pandaigdigang Araw ng mga Desaparesidos noong Agosto 30.
Sa araw na ito, nagtungo sa Korte Suprema si Eco Dangla, isa sa mga biktima ng pagdukot ng estado, para maghain ng petisyon para sa writ of amparo at habeas data. Dinukot si Dangla, kasama si Jak Tiong, sa San Carlos City, Pangasinan noong Marso 24. Apat na araw silang itinago at ipinailalim sa tortyur bago sila inilitaw ng estado.
Kasabay ng paghain ni Dangla, naglunsad ng protesta ang mga grupo sa harap ng Korte Suprema para ipanawagan ang paglilitaw sa lahat ng mga desaparesido at pagpapanagot sa militar, pulis at reaksyunaryong estado sa karahasang ito.
Samantala, nagtungo ang mga grupo ng kabataan sa Camp Aguinaldo sa Quezon City para singilin ang AFP sa pagdukot at pagkawala kay Rowena Dasig, isang kabataang environmental at human rights defender mula sa Calabarzon. Naiulat na nawawala si Dasig matapos “pinalaya” mula sa Lucena City District Jail noong Agosto 22. Hindi pa rin siya natutunton ng kanyang mga kamag-anak at abugado hanggang ngayon.
Mula nang maupo si Marcos sa poder, di bababa sa 14 na ang dinukot na hanggang ngayon ay hindi pa inililitaw. Liban kay Dasig, naiulat din na nawawala mula pa Agosto 23 si James Jazminez, kapatid ng NDFP consultant na si Alan Jazminez.
“Ang sapilitang pagkawala ay malaon nang ginagamit ng mga tiranikong rehimen bilang estratehiya para magpalaganap ng teror sa isang lipunan,” pahayag ng Karapatan. “Madalas ding dumaranas ng harasment at iba pang pagpapahirap ang mga pamilya, tagasuporta at komunidad sa paghahanap ng kanilang minamahal sa buhay. Matinding pagdurusa ang dinaranas laluna ng mga pamilya dahil hindi nila alam kung buhay pa ang kanilang mahal sa buhay, at kung oo ay nasaan at ano ang mga kundisyon ng kanilang pagkakakulong.”
Sa Southern Tagalog, ginunita ang araw na ito sa pamamagitan ng isang lantern lighting sa tapat ng Oblation Park ng University of the Philippines (UP)-Los Banos. Laman ng mga sinindihang lantern ang iba’t ibang panawagan para sa pagpapalitaw ng mga desaparesido. Bago nito, nagsagawa ang mga estudyante ng UPLB ng Black Friday Protest.
Sa UP-Diliman, ipinalabas ang pelikulang Alipato at Muog sa UP Film Center na tungkol sa paghahanap ng ina at kapatid ng desaparesidong si Jonas Burgos. Nagtipon ang mga manonood sa labas ng bulwagan matapos ang pelikula para ipanawagan ang hustisya at paglilitaw sa lahat ng mga nawawala.
Sa Cebu, nag-alay ng mga bulaklat ang mga kaibigan at taong-simbahan bilang pag-alala kay Fr. Romy Romano, isang pari ng Redemptorist Church na dinukot at winala noong Huly 11, 1985. Isang araw bago nito, nagsagawa ng protesta ang Karapatan-Central Visayas para ipanawagan ang hustisya para kay Elena Tijamo na dinukot noong Hunyo 13, 2020, itinago at inilitaw na patay na noong Agosto 29, 2021. Kinundena ng grupo ang ulat ng Commission on Human Rights Regional Office 7 mula sa kunwa’y imbestigasyon nito na nagsabing walang nilabag na karapatang-tao ang mga ahente ng estado sa pagdukot at pagtago kay Tijamo.