Ang Bayan Ngayon » Pangakong ibaba ang presyo ng bigas ngayong Oktubre, hindi kapani-paniwala ayon sa mga magbubukid


Muling nagpiket ang mga magbubukid sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Amihan National Federation of Peasant Women at Bantay Bigas noong Oktubre 11 sa Commonwealth Market sa Quezon City. Binatikos nila ang palpak na “trial and error” na mga patakaran ng rehimeng Marcos para kontrolin ang presyo ng bigas.

“Hindi mapagkakatiwalaan ang fearless forecast ng Department of Agriculture (DA) na bababa ang presyo ng bigas sa kalagitnaan ng Oktubre,” pahayag ng mga nagprotesta. Nananatiling mataas ang presyo ng bigas sa merkado.

“Kung ordinaryong mamimili ang tatanungin, halos hindi nararamdaman ng masa ang sinasabi ng DA at mga economic managers na bumababa raw ang presyo ng bigas. Nasa lampas ₱50 pa rin ang kada kilo ng bigas,” ayon kay Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan Women at ikalawang nominado ng Gabriela Women’s Party. Kahit ang pangako umano ng DA na ibababa ito sa ₱45 kada kilo ay hindi pa rin abot-kaya para sa mga ordinaryong Pilipino.

“Ang fearless forecast ay magiging number one rice importer na naman ang Pilipinas dahil sa mga patakaran ng gubyernong Marcos Jr,” aniya.

Binatikos naman ng KMP ang tinaguriang “Rice for All” sa KADIWA ng Pangulo Store. Anang grupo, iilang tinadahan lamang umano at napakalimitado pa ang nakakakuha dito ng bigas. “Isa lamang itong malaking palabas ng DA at Malakanyang para pagmukhaing tinutugunan ng gubyerno ang napakataas na presyo,” ayon pa sa grupo.

“Kahit dadagdagan ng 20 tindahan ang KADIWA, hindi pa rin ito sapat para gawing abot-kaya para sa masa ang bigas. Mas malaking bolyum ng bigas sa mga palengke ay imported na bigas na hindi naman bumaba ang presyo kahit binawasan pa ang taripa,” pahayag ni Danilo Ramos (Ka Daning), tagapangulo ng KMP at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.

Malaking pasakit naman sa mga magsasaka ang plano ng National Food Authority na ibaba ang presyo ng pagbili ng palay mula ₱27 tungong ₱23 kada kilo, aniya. “Sa kalakhang bahagi ng bansa, mas mababa ang presyo ng palay at ito ang iniinda ng ating mga magsasaka. Napakataas ng gastos pero mababa ang bilihan ng palay kaya halos wala na silang kinikita.”



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!