Ang Bayan Ngayon » Paninira ng tagapagsalita ng National Security Council at ‘censorship’ ng MTRCB sa pelikula tungkol sa desaparesidos, binatikos

August 24, 2024


Binatikos ng Karapatan at ni Jose Luis (JL) Burgos ang paninira ni Jonathan Malaya, tagapagsalita ng National Security Council (NSC), laban sa dokumentaryong pelikulang “Alipato at Muog.” Kinundena rin nila ang “X Rating” ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa pelikula na nagbawal na maipalabas ito sa publiko at komersyal na mga sinehan.

Ayon sa Karapatan at kay Burgos, ang mga hakbang na ito ay matingkad na halimbawa ng patuloy na pag-iral ng kultura ng kawalang pakundangan.

Si Burgos ang direktor ng “Alipato at Muog” na tungkol sa paghahanap ng kasagutan sa pagdukot sa kapatid niyang si Jonas Burgos. Si Jonas ay isang aktibistang dinukot ng mga pwersa ng estado sa isang mall sa Quezon City noong 2007. Ang sasakyan na gamit ng mga pwersa ng estado ay na-trace sa isang kampo ng militar. Halos dalawang dekada na ang nakalipas, ngunit walang kasagutan at napapanagot sa pagkawala ni Jonas.

Sa pamamagitan ng dokumentaryo, naipakita ng direktor ang kwento ng pagkawala ng kanyang kuya at ang dumaraming bilang ng mga nawawalang aktibista sa bansa. Kalahati ng pelikula ang tumatalakay sa mga ginawa ng pamilya ni Jonas upang makahanap ng sapat na ebidensiya na makapagtuturo kung nasaan siya.

Imbwelto sa pagdukot kay Jonas ang kasalukuyang pinuno ng NSC na si Eduardo Año. Ito ang dahilan kung bakit nag-alburoto ang tagapagsalita ng NSC. Bastos niyang sinabi na ang dokumentaryo ay isang “desperadong tangka para buhayin ang isang luma nang kaso na nag-uugnay sa militar sa pagdukot kay Jonas.”

Ayon kay JL, ipinakikita ng pahayag ni Malaya ang pagka-ignorante niya sa batas. Aniya, mismong ang Anti-Enforced Disappearance Law ang nagsasabi na ang sapilitang pagkawala ay isang nagpapatuloy na krimen hanggang hindi inililitaw ang biktima.

“Sa simpleng salita, Mr. Malaya, ang krimeng ginawa kay Jonas ay isa pa ring krimen laban sa aking kapatid hanggang sa kasalukuyan. Responsibilidad ng estado…na hanapin ang aking kapatid,” ayon pa sa kanya.

Para naman sa Karapatan, ang pahayag ni Malaya ay nagpapakita ng “enggrandeng konspirasiya” ng mga pwersa ng estado para protektahan ang mga responsable sa pagdukot at sapilitang pagkawala, hindi lamang kay Jonas, kundi sa lahat ng mga biktima pa ng katulad na karumal-dumal na krimen sa bansa. “Isa itong tahasang tangka ng mga pwersa ng estado…para takasan ang pananagutan at pigilan ang pagkakamit ng hustisya para sa mga biktima,” ayon pa sa kanila.

Ilang araw matapos ang pahayag ni Malaya, binigyan naman ng MTRCB noong Agosto 22 ang pelikula ng “X Rating” o pagbabawal na ipalabas sa mga sinehan. Pagbabahagi ng direktor na si JL, ito ang naging hatol ng MTRCB dahil anila ay “may tendensya ang pelikula na pahinain ang pananalig at tiwala ng mga tao sa kanilang gubyerno at/o nakaluklok na awtoridad.”

Ayon kay JL, ipaapela at muli silang susubok sa MTRCB sa ikalawang pagkakataon para mapahintulutan ang pagpapalabas sa pelikula. “Kaya kami ay nakikiusap, buksan ninyo ang inyong mga puso at maging tinig ng mga walang boses. Tumindig kayo para sa kung ano ang tama at kung ano ang makatarungan,” aniya.

Pagdidiin pa ng direktor, kahit posibleng makakuha sila muli ng “X Rating” ay susubok sila para ipabatid sa mga taong sumusubaybay sa kanilang kwento na hindi sila aatras. “Kaya po may ganitong istorya ay dahil may ganitong mga pangyayari. Walang mali sa paglaban, may mali kaya may lumalaban,” aniya.

Ang dokumentaryong pelikula ay naging bahagi at unang ipinalabas sa katatapos lamang na 20th Cinemalaya Independent Film Festival. Ginawaran ang pelikula ng Special Jury Award para sa full-length category.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Recognize the rights of Brazil’s Indigenous Peoples! Scrap PL 490!

The International Indigenous Peoples Movement for Self-Determination and Liberation stands

OFW group sad at 2 Filipino deaths in Palestine

Calls on PH government to stop sending Pinoys to conflict