Ang Bayan Ngayon » Paninisi ng PhilRice sa mga magsasaka sa pagtaas ng green house emission, binatikos


Binatikos ng Climate Change Network for Community-based Initiatives (CCNCI) ang paninisi ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) at Department of Agriculture sa mga magsasaka sa Pilipinas sa pagtaas ng greenhouse gas (GHG) emissions sa bansa. Anang CCNCI, isa itong malinaw na pambabaluktot para pagtakpan ang pananagutan ng mga korporasyon at industriyal na agrikultura at pagpapalit-gamit ng lupa na silang tunay na maysala.

Noong Agosto, inilabas ng PhilRice ang isang pag-aaral na 52% ng agrikultural na GHG sa Pilipinas ay mula sa palay. Ang napakataas na tantos na ito ay taliwas sa pag-aaral na isinagawa ng International Rice Research Institute noong Enero na nagtukoy na nasa 10% lamang ang ibinubugang GHG ng pagtatanim ng palay sa kabuuang agrikultural na GHG ng bansa. Ang GHG ay mga gas na naiipon sa ozone layer at nagiging sanhi ng pagpigil sa paglabas ng init tungo sa kalawakan. Ito ang nagiging dahilan ng pag-init ng planeta at pagbabago ng klima.

“Ang mga magsasaka, na pinahihirapan na sa hindi patas na sistema at hindi sapat na suporta mula sa gubyerno, ay hindi na dapat ginagawang sangkalan para sa krisis na hindi naman nila nilikha,” ayon sa CCNCI.

Anang grupo, ang mga mungkahing solusyon ng gubyerno sa mga magsasaka katulad ng alternate wetting and drying (AWD) at carbon trading scheme ay pawang paimbabaw na solusyon lamang at sa katunayan ay hindi praktikal para sa mga magsasaka. “Ang AWD ay hindi praktikal sa maraming erya dahil sa kawlaan ng mga kanal at hindi maaasahang mga pinagkukunan ng tubig,” anang grupo.

Ipinaliwanag din ng grupo na ang carbon trading ay magpapahintulot lamang sa mga industrial polluter o mga nagbubuga ng labis-labis na carbon emission na ipagpatuloy ang kanilang mapangwasak nang kalakaran. Ang carbon trading ay ang pagbebenta ng matitipid na carbon emission ng isang entidad sa isa pa para sila ang kumonsumo nito. Ginagawa ito para umano kontrolin ang mabilis na paglaki ng carbon emission sa mundo.

Idinidiin ng CCNCI na ang malawakang industriyal na agrikultura, partikular ang mga gumagamit ng synthetic nitrogen na mga pataba, ang mayor na nag-aambag sa lumalaking GHG emissions. “Ang mga patabang ito ay naglalabas ng nitrous oxide (N2O), isang GHG na 300 beses na mas malakas kaysa carbon dioxide, at nagpapabilis sa pagkaubos ng carbon sa lupa,” paliwanag ng grupo.

Sa halip na mga bogus na programang pangkalikasan ng PhilRice, itinutulak ng CCNCI ang organiko at agro-ekolohikal na sistema ng pagsasaka na makakatulong sa pangangalaga sa lupa at kalikasan. Binatikos nila ang kakarampot na badyet ng Department of Agriculture para sa ganitong tipo ng mga sistema at proyekto.

“Ang tunay na hustisyang pangklima ay nangangahulugan ng pagpapanagot sa mga matagal nang mga nagdadala ng polusyon,” pahayag ng CCNCI. Dapat umanong ang mga industriyalisadong bansa at mga korporasyon ang may pangunahing responsibilidad sa pagbabawas ng emission. Kinakailangan din umanong singilin ang mga ito para sa karapampatang danyos sa perwisyo na idinulot nito sa kalikasan at sa sangkatauhan.

“Hindi makatarungan na pinahihirapan ang mga magsasaka, na napakaliit na pinagmumulan ng mga emission, sa pagresolba sa krisis pangklima,” dagdag pa nila.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!