Malugod na tinanggap ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Gabriela ang kamakailang hatol ng Korte Suprema na pagtibayin ang naunang desisyon nitong pabor sa dalawang organisador na dinukot na sina Elizabeth “Loi” Magbanua at Alipio “Ador” Juat.
Sa desisyon nito noong Agosto 6, pinagtibay ng korte ang dati nitong desisyon ng pagbibigay ng “permanent protection order” kay Ruth Manglanan, partner ng lesbyanang organisador ng KMU na si Magbanua. Ibinasura nito ang mosyon ng Office of the Solicitor General (OSG) na baligtarin ang naunang desisyong ito. Anang korte, pinal na ang desisyong ito dahil “walang mabigat na rason o makabuluhang mga argumento para baligtarin ang kinwestong resoluyon.”
Liban sa pagbibigay ng “permanent protection order,” nakasaad rin dito ang puna na hindi nagpatupad ng “extraordinary diligence” sina Lt. Gen. Vicente Bacarro, noo’y hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang upisyal sa depensa, sa kanilang imbestigasyon patungkol sa pagkawala ni Magbanua. Epektibong ipinag-utos ng desisyon sa AFP na magsagawa ng tunay at masinsing imbestigasyon sa naturang kaso.
Matatandaang isinampa ng OSG ang mosyon noong Mayo 21 kasunod ng desisyon ng Korte Suprema noong Enero 30. Noong 2022, kinatigan rin ng Korte Suprema ang writ of amparo para kina Magbanua at Juat na ligal na remedyo para sa paghahanap sa mga bikitma.
Sina Magbanua at Juat ay dinukot ng mga pwersa ng estado sa Barangay Punturin, Valenzuela City noong Mayo 3, 2022. Matagal na silang aktibong nakikibaka para sa mga karapatan at kapakanan ng mga manggagawa. Ayon sa anak ni Juat, nakontak niya ang kanyang ama noong pangatlong linggo ng Mayo 2022 at nakapagsabi pang dinakip siya at si Magbanua ng mga pwersa ng Philippine Navy.
“Marapat lamang na panghawakan ang tagumpay na ito upang ibayo pang isulong ang pakikibaka para sa hustisya sa lahat ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao,” pahayag ng KMU hinggil sa desisyon ng korte. Anila, dapat tuluy-tuloy pang kumilos para panagutin ang mga maysala sa pagdukot at pagwala kay Magbanua at Juat.
Sa isang pahayag, kinilala rin ng alyansa ng mga organisasyong LGBT+ ng Bahaghari ang desisyon ng korte. Bukod sa panawagang ilitaw si Magbanua, idiniin ng grupo na pagkilala rin ito ng korte sa karapatan ng dalawa bilang magkatuwang na lesbyana.
“Para sa isang konserbatibong bansa, tinatanaw ng organisasyon na ito’y isang paunang tagumpay pa lamang para sa milya-milyang laban ng mga militanteng LGBT ng bayan,” anang grupo.