Nagpahayag ng matinding pagkaalarma ang grupong Gabriela sa napabalita kamakailan na ang Pilipinas ang “sentro” ng produksyon ng mga materyal na kaugnay sa sekswal na pang-aabuso sa mga bata.
Ayon sa isang imbestigasyon ng International Justice Mission noong 2023, isa sa bawat 100 bata o halos kalahating milyong batang Pilipino ang inaabuso sa mga livestream at pagpapakalat ng kanilang litrato at video kung saan gumagawa sila ng malalaswang aktibidad para sekswal na parausan ng matatanda (adults). Ang paglaganap ng pang-aabusong ito ay tulak ng “demand” pangunahin ng mga pedophile sa US, kasunod ng mga nasa United Kingdom, Australia, Canada at Europe.
“Ang nakababahalang sitwasyong ito ay resulta ng deka-dekada at malawakang “sistemang sindikato” kung saan itinuturing na mapagkakakitaan ang bulnerabilidad at pagsasamantala sa mga bata,” ayon sa pahayag ng Gabriela ngayong araw, Pebrero 10. Umabot sa ganitong antas ang krimen dulot ng pagpapabaya at kawalang-aksyon ng estado ng Pilipinas.
Umabot sa ganitong antas ang krimen dulot ng pagpapabaya at kawalang-aksyon ng estado ng Pilipinas. Taong 2017, iniulat na ng Unicef na walo sa bawat sampung batang Pilipino ay “nasa panganib ng online sexual abuse o bullying.” Noon pa man, sentro na ang Pilipinas ng pornograpiyang nagtatampok ng bata sa buong mundo.
Ang child pornography ay isang “bilyong dolyar na industriya” na kumikita sa pamamagitan ng pagpapagawa sa mga bata (mayorya mga Pilipino) ng mga sekswal na akto sa harap ng kamera. Sa isang pag-aaral ng Unicef, hindi malayong ang mga batang ibinubugaw online ay humahantong sa pisikal na prostitusyon.
Ayon as Gabriela, hindi problema ng kababaihan at mga bata lamang ang sekswal na pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata, at iba pang porma ng karahasan sa kababaihan at bata. Higit rito, isa itong usaping kailangan harapin ng buong lipunang Pilipino, laluna ng mga nasa estado poder na may responsibilidad ng pagtatanggol sa karapatan ng mga batang biktima ng anumang karahasan.
Sa nakaraang 15 taon, tumaas nang 15,000% ang mga kaso ng online child sexual abuse material o CSAM. Karamihan sa mga biktima ay nasa edad 3 hanggang 12 taong gulang. Karamihan sa mga pamilyang sangkot sa krimen ng pangbubugaw sa mga bata ay mula sa mahihirap na komunidad sa syudad at kanayunan.
Sa kabila nito, walang ni isang hakbang na ginagawa ang rehimeng Marcos Jr, gayundin ang nauna ritong rehimeng Duterte, sa pagsawata sa paglaganap ng child pornography at ipagtanggol ang mga biktima nito.