Ang Bayan Ngayon » Pinakamatandang bilanggong pulitikal sa bansa, nakalaya na

July 1, 2024


Matapos ang tuluy-tuloy na pagpupursige at paggigiit ng Kapatid, grupo ng mga kaanak at kaibigan ng mga bilanggong pulitikal, nakalaya na kahapon, Hunyo 30, ang pinakamatandang bilanggong pulitikal sa bansa na si Gerardo Dela Peña. Siya ay 85 taong gulang, pinakamatanda sa mahigit 800 bilanggong pulitikal.

Nakalabas si Dela Peña mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kagabi, alas-9:30. Sinundo at sinalubong siya ng kanyang anak na si Melchor na mula pa sa Bicol. Dumating din ang tagapagsalita ng Kapatid na si Fides Lim.

Inaresto si de la Peña noong Marso 21, 2013. Hinatulan siyang maysala at pinatawan ng reclusion perpetua sa kasong pagpaslang sa kabila ng malinaw ng kawalan ng ebidensya. Siya ay magsasakang tubong Vinzons, Camarines Norte. Nagsilbi siyang lider ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) at kasapi ng Karapatan.

Simula 2019, itinulak ng Kapatid ang petisyon para sa pagpapalaya kay Dela Peña sa makataong mga batayan ngunit paulit-ulit itong isinaisantabi at binalewala ng estado. Siya ay mayroong altapresyon at iba pang mga karamdaman dulot ng katandaan.

“Ang paglaya ng bilanggong pulitikal na si Gerardo Dela Peña ay patunay ng kapangyarihan ng pagpupursige, pagiging mapagbantay at ng pagtutulung-tulong sa pangingibabaw sa mga hamon,” pahayag ni Lim. Ipinahayag niya ang labis na kaligayahan ng kanilang grupo na makakapiling na ni Dela Peña ang kanyang pamilya at asawang si Pilar.

“Panandang-bato ang kanyang paglaya para sa kampanya sa karapatang-tao, ngunit nagsisilbi ding matingkad na paalala sa mga balakid na humaharang sa paglaya ng mga bilanggong pulitikal,” pagdidiin pa ni Lim.

Sa halos limang taon na paggigiit ng Kapatid para mapalaya si Dela Peña, sari-saring mga rason at sadyang pag-antala sa paglaya niya ang ginawa ng estado. Kahit pa kwalipikado siya noong Disyembre 2023 sa pagpapalaya sa ilalim ng Board of Pardons and Parole (BPP), hindi siya isinali nito. Nakulong siya ng 12 taon at dalawang buwan.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss