Ang Bayan Ngayon » Reporma sa pensyon ng mga sundalo at pulis, tuluyan nang binitawan ng rehimeng Marcos


Tuluyan nang binitawan ng rehimeng Marcos Jr ang tangkang pagreporma sa sistema ng mga pensyon ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at iba pang unipormadong tauhan ng estado. Sa huling mga pahayag ng kalihim ng Department of Defense na si Gilbert Teodoro at katatalagang kalihim ng Department of Finance na si Ralph Recto, malinaw na tuluy-tuloy ipababalikat sa mamamayang Pilipino at pagbubundat sa burukrasyang militar.

Kinumpirma ni Recto noong Enero 25 na hindi na itutulak ng Department of Finance (DoF) ang pagsingil ng kontribusyon para sa pensyon sa mga retirado at aktibong uniformed personnel. Taliwas ito sa pusisyon ng nauna sa kanya na kalihim ng DoF na si Benjamin Diokno. Diin noon ni Diokno, kailangang kunin sa sweldo ng mga aktibong sundalo at pulis ang kanilang pensyon at kung hindi ay magkakaroon ng “fiscal collapse” o mababangkrap ang Pilipinas.

Sa General Appropriations Act o pambansang badyet sa 2024, naglaan ang rehimeng Marcos ng P129.82 bilyon para sa pensyon, pinakamalaking aytem kasunod ng pondong pambayad sa interes ng utang na awtomatikong nakalaan. Sa taya ng DoF, aabot sa $1 trilyon ang kailangang ilaan ng estado para sa pensyon ng unipormadong tauhan pagsapit 2035.

Sa kabila ng bantang ito, nagpahayag ang rehimeng Marcos na ang sisingilin na lamang nito ng pensyon ay yaong papasok pa lamang sa serbisyo. Pero ayon pa rin kay Diokno, kung ang mga bagong entrants lamang ang sisingilin, aabot sa anim na dekada bago maging “sustenable” ang pensyon ng militar at pulis.

Hindi nagtagal ay sinibak sa pwesto si Diokno.

Ang pag-atras sa panukala na unang itinulak ng DoF at ipinasa sa Mababang Kapulungan ay kabilang sa mga hakbang ni Ferdinand Marcos Jr na ligawan ang mga aktibo at retiradong mga upisyal ng AFP laban sa mga maniobra ng pangkating Duterte na yanigin ang kanyang paghahari o di kaya’y tuluyan siyang patalsikin sa pamamagitan ng kudeta.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!