Nagsagawa ng welga ang mga drayber at konduktor ng bus na empleyado ng Mark Eve’s Transit sa istasyon nito sa P. Tuazon Boulevard, Barangay Project 4, Quezon City simula kahapon, Nobyembre 5, para ipagtanggol ang kanilang karapatan sa paggawa. Ang kumpanya ng bus ay mayroong mga pamprubinsyang ruta kabilang ang papuntang Albay at Sorsogon.
Nagpasyang magwelga ang mga manggagawa, sa pangunguna ng Samahan ng mga Manggagawa ng Mark Eve’s Transit-FFW, matapos tanggalin ng kumpanya ang mga upisyal ng kanilang bagong tatag na unyon. Kamakailan lamang kinilala ang unyon bilang Sole and Exclusive Bargaining Agent (SEBA) ng mga manggagawa dito.
Ayon sa ulat, ipinipilit ng maneydsment ng kumpanya na sila ang magtatalaga ng mga upisyal ng unyon. Malinaw maging sa reaksyunaryong batas sa paggagawa na iligal ang pakikialam ng maneydsment sa usapin ng unyon. Dahil hindi sila pumayag dito, limang upisyal ng unyon ang tinanggal sa trabaho.
Liban dito, ipinaglalaban din ng mga manggagawa ang dagdag-sahod at pagkilala sa iba pa nilang mga karapatan. Tumatanggap lamang ang mga manggagawa ng P1,100 na sahod sa loob ng 36 oras na balikang byahe sa Maynila at Albay.
Ayon kay Alberto Balean, pangulo ng unyon, “winalang-bahala ng Mark Eve’s Transit ang aming mga karapatan bilang mga manggagawa sa pagtangging makipag-usap at mas masahol pa, sa pagtanggal ng mga empleyadong nagtangkang ipaglaban ang patas na trato at dignidad sa trabaho.”
Ipinahayag ng unyon na ang welga ang kanilang huling hakbang matapos ang paulit-ulit na pagtanggi ng kumpanya na tugunan ang kanilang mga hinaing.
Nagtungo sa piket ng mga drayber at konduktor para makiisa sa laban si Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno. “Napakarami[ng] paglabag sa karapatan ng mga manggagawa. Tama lang ang lumaban!” pahayag ni Adonis.
Si Adonis ay isang ring dating konduktor ng bus sa Pasvil-Pascual Liner Incorporated at naging myembro nilang PASVIL/Pascual Liner Inc. Workers Union-NAFLU-KMU. Naglunsad ang kanyang unyon ng welga noong 1995 laban sa mapagsamantala at mapanupil na mga patakaran nito.