Naghain ng kasong sibil sa Quezon City Regional Trial Court ang mamamahayag na si Atom Araullo laban sa mga ahente ng National Task Force-Elcac na si Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celis nitong Lunes, Setyembre 11. Isinampa niya ang kaso kaugnay ng walang tigil na paninira at pagkakalat ng kasinungalingan nina Badoy-Partosa at Celis kay Araullo at kanyang pamilya sa pamamagitan ng kanilang programa sa telebisyon ng SMNI at social media.
Sa kasong isinampa ni Araullo, sinabi nitong lumabag ang dalawa sa pangangalaga sa karapatan ng mga indibidwal, sa usapin ng relasyon sa kapwa tao at dignidad na humantong sa seryosong kasiraan at pinsala sa kanyang reputasyon, kapayapaan sa isip at personal na relasyon. Pinagbabayad ni Araulo ng ₱2 milyon ang dalawa bilang danyos sa pinsalang idinulot sa kanya.
“Walang basehan ang kanilang mga paratang. Malinaw na layunin nila ang takutin, siraan, at udyukin ang galit ng publiko laban sa akin at sa aking pamilya sa pamamagitan ng paghahasik ng intriga,” pahayag ni Araullo.
Aniya, nakikita niya ang mga pag-atake at Red-tagging bilang bahagi ng mas malawak na panggigipit at panunipil sa malayang pamamahayag. “Noong una, pinili kong ipagkibit-balikat ang mga paratang lalo’t walang katuturan ang mga ito. Ngunit dahil delikado ang disinformation, lalo kung hahayaan lang, nagpasya akong manindigan,” dagdag pa ng mamamahayag.
Nagpabatid ng suporta ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa pagsasampa ng kaso ng kapwa mamamahayag nilang si Araullo. Ayon sa grupo, “may idinudulot na seryosong panganib ang Red-tagging sa kaligtasan at seguridad ng mga hindi makatarungang tinatakang ‘komunista-terorista’ at ‘propagandistang komunista,’ at mga katulad na katawagan.”
Anang grupo, ang mapanganib na gawang-kwentong ito ay ginagamit para bigyang katwiran ang pag-aresto, pagsasama ng gawa-gawang mga kaso, paniniktik at iba pang porma ng harasment laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, kabilang ang mga mamamahayag.
Liban pa dito, isinalaysay din ng NUJP na ang ilan sa mga biktima ng Red-tagging ay nakararanas ng mental at emosyonal na stress dahil sa mga walang batayang akusasyon. Ang iba umano sa kanilang mga katrabaho ay napilitang lumipat ng tahanan na lubhang nakaapekto sa kanilang pamamahayag at mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.
Samantala, ipinabatid naman ni Araullo na hindi siya magsasampa ng kasong kriminal laban sa dalawa sa ngayon. Binigyang diin niya ang pagtutol sa kriminalisasyon ng kasong libel dahil nagagamit ito upang gipitin ang lehitimong media.
Noong Hulyo, nagsampa rin ng katulad na kasong sibil ang ina ni Araullo na si Carol Araullo, chair emeritus of Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) laban kina Badoy-Partosa at Celis.