Inilunsad ng mga kasapi ng Kabataang Makabayan (KM)-Quezon Balangay Dani Lagrama ang oplan pinta-oplan dikit (OP-OD) sa Lucena City, sentrong bayan sa prubinsya ng Quezon, noong unang linggo ng Disyembre para ipagdiwang ang ika-59 anibersaryo ng KM. Ayon sa balangay, pinasisinungalingan nila ang naunang deklarasyon ng rehimeng US-Marcos at lokal na gubyerno na “insurgency-free” ang prubinsya ng Quezon noong Hunyo.
Itinampok nila ang mga panawagan ukol sa paglahok ng mas marami pang kabataan sa armadong pakikibaka na inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at suporta sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan nito sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.
Pagbabahagi ng balangay, nagbuo sila ng mga pangkat para sa naturang aktibidad. Kabilang sa tiniyak ng isang tim ang mismong pagpipinta sa mga pader habang ang isang tim ay nagsilbing lookout o bantay para tiyakin ang kanilang seguridad. Pinagtulung-tulungan naman ng mga kasapi ng balangay ang pagpapasulpot ng mga gamit para sa OP-OD.
Anang mga lumahok sa OP-OD nang tanungin ng Ang Bayan, “mas napaigting nito ang paninindigan naming mga kabataan na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan, sa kanayunan man o sa kalunsuran.” Pinangibabawan ng mga kabataan ang kaba upang matagumpay na maisagawa ang aktibidad.
Sa kabila ng pasistang panunupil at kampanyang kontra-insurhensya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Quezon, nakapagpapatuloy sa pagpapalakas at pagpaparami ang KM sa prubinsya, kahit sa mga sentrong urban. “Sampal sa kanila na maipakita na kahit mismo sa mga sentrong urban ay nagpapatuloy ang pakikibaka ng kilusang lihim,” ayon sa balangay.
Determinado ang KM sa Quezon na palakasin ang kanilang hanay upang sabayan ang mga taktikal na opensiba ng BHB-Quezon at itampok ang pagsusulong ng rebolusyon. Laluna, anito, sa harap ng mas tumitinding krisis pang-ekonomya na ikinakaharap ng mga magbubukid sa Quezon tulad ng mababang presyo ng kopra, mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng lupang masasaka, pagpapatuloy ng sistemang hacienda, mababang presyo ng mga produktong agrikultural, at iba pang pyudal at malapyudal na pagsasamantala.
Pinarangalan din ng balangay si Dayna Benna “Dani” Lagrama, kung kanino nakapangalan ang balangay, isang kabataang mandirigma na namartir sa isang engkwentro sa Bondoc Peninsula noong Enero 29. “Inspirasyon naming mga kabataan ang kanyang inialay na buhay para sa pagsisilbi sa malawak na hanay ng masa sa Quezon. Hindi masasayang ang buhay na inialay ni Ka Dani dahil libu-libo pang mga kabataan mula sa Quezon ang lalahok sa armadong pakikibaka at ipagpapatuloy ang nasimulan ng mga naunang martir,” pahayag nila.