Ang Bayan » Oplan sabit, inilunsad sa Antipolo para sa anibersaryo ng Partido


Matagumpay na naglunsad ng oplan sabit ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP)-Rizal upang magbigay-pugay sa ika-55 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido at unang anibersaryo ng pagkamatay ng dakilang guro na si Jose Maria Sison sa Antipolo City noong Enero 9.

Sa pangunguna ng rebolusyonaryong kabataan, magsasaka, at maralita, masigasig na inaral ng mga lumahok sa aktibidad ang moda at padron ng mga rumorondang pulis at militar sa paligid upang masinsin na maisabit ang kanilang mga balatengga.

Matagumpay na naisagawa ang mabilisang pagsasabit ang mga balatengga sa isang tulay sa Lumang Palengke, Antipolo City sa tabi ng Robinsons. Pinili ito ng mga kasama dahil maraming sasakayan ang dumadaan dito. Kitang-kita dito ang tingkad ng guhit ng mukha ni Ka Joma at mensaheng parangal sa Partido na makasining na nilikha ng mga rebolusyonaryo ng Rizal.

Samantala, sa tabing ng kawayanan ay naglunsad ng pagtitipon ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Rizal noong huling linggo ng Disyembre 2023 para ipagdiwang ang anibersaryo ng Partido. Kasama nilang nagdiwang ang ilang mga kasapi ng mga rebolusyonaryong organisasyon.

Naglunsad ng parangal, mga talumpati at pangkulturang pagtatanghal sa naturang pagtitipon. Nagsindi rin ng sulo ang mga mandirigma bilang simbolo ng tanglaw ng mga aral ni Ka Joma at mga nabuwal na martir ng Partido at hukbong bayan sa nagdaang mga taon.

Ang mga pagkilos na ito ay patuloy na pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya sa pamumuno ng PKP-Rizal. “Sa mas mahigpit na pagtangan sa prinsipyong Marxismo-Leninismo-Maoismo at pagyakap sa digmang bayan, patuloy na pamumunuan ng komite ng Partido sa prubinsya ang pambansa-demokratikong pakikibaka sa lalawigan hanggang sa tagumpay,” ayon sa PKP-Rizal.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!