Nagsagawa ng tinawag nitong “oplan-sabog” o pagsabwag ng mga polyeto ang rebolusyonaryong kilusan sa Camarines Norte noong Nobyembre 2 sa dalawang mayor na bayan sa prubinsya. Ayon sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Camarines Norte, isinagawa ang pagpapalaganap ng mga polyeto sa Jose Panganiban at Paracale para isiwalat ang mga krimen ng 9th IB laban sa mamamayan ng prubinsya.
Inilunsad ang aktibidad sa sentrong bayan, eskwelahan, simbahan, mga parke, terminal at mga tinukoy na matataong lugar.
Kasabay nito, nagpalaganap din sila ng mga polyeto na naglalaman ng pagdadakila at pagpupugay sa mga martir ng rebolusyonaryong kilusan. Isinagawa ito noong Nobyembre 2, Araw ng mga Kaluluwa, kasabay ng tradisyunal na paggunita ng mamamayang Pilipino sa alaala ng kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay.
Paliwanag nila, mula pa nang magsimula ang taong 2023, naging mahalagang bahagi ng gawaing propaganda sa prubinsya ang pagkakaroon ng mga “pasabog” ng pahayag at mga polyeto.
Isinasagawa ito ng rebolusyonaryong kilusan para ipaabot ang pahayag at pananaw nito sa malawak na masa.