Iniulat ng grupo sa karapatang-tao na Tanggol Quezon ang pagkawala ni Mar Silos, organisador ng mga mangingisda’t magsasaka, sa Barangay Montecillo, Sariaya, Quezon noong Nobyembre 29. Malaki ang hinala ng grupo na mga ahente ng estado ang dumukot sa naturang organisador.
Si Silos ay kasapi ng Pagkakaisa ng mga Magsasaka at Tagapagtaguyod sa Ikalawang Distrito (PAMATID)-Quezon. Kilala siya bilang masugid na tagapagtanggol ng karapatan ng mga mangingisda’t magsasaka sa Gitnang Quezon na inaagawan ng lupa, pangisdaan at panirikan.
Ipinanawagan ng kaanak ni Silos at ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan ang ligtas at kagyat na paglilitaw sa kanya. Giit nilang wakasan na ang serye ng dumaraming kaso ng sapilitang pagkawala at igalang ang karapatang-tao.
Sa nagdaang taon, naitala ng Ang Bayan ang 87 na biktima ng pagdukot o isang biktima kada linggo. Sa mga dinukot, 18 ay pinatay ng mga pwersa ng estado. Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, hindi bababa sa 11 na ang mga desaparesido.
Ang mga kaso ng pagdukot ay kinatatangian ng malinaw na intensyon ng estado na sadyang itago ang biktima at itanggi na nasa kustodiya nila ang mga ito.