Ang Bayan » ‘Padyak kontra sindak,’ inilunsad ng mga mamamahayag


Sama-samang nagbisikleta ang mga mamamahayag at nagtataguyod sa malayang pamamahayag noong Nobyembre 2, para gunitain ang International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists na idineklara ng United Nations noong 2013. Sa pangunguna ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), nagbisikleta at naglunsad ng programa ang grupo sa Quezon City.

Sa programa, nagtirik ng kandila ang NUJP bilang simbolo ng panawagang hustisya para sa 198 mamamahayag na pinaslang mula 1986 hanggang 2023. Tatlo sa mga biktima ay pinatay sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng Marcos.

Sa huling tala ng NUJP, may 84 na insidente ng pag-atake sa midya mula Hunyo 30, 2022 hanggang Hulyo 22, 2023. Kabilang sa mga kasong ito ang pagpatay, pamamaril, pagsasampa ng mga kasong libel at cyber-libel at iba pang mga tinatawag nitong gawa-gawang kaso, at paulit-ulit na panggigipit tulad ng Red-tagging.

Sa buong mundo, iniulat ng Committee to Protect Journalists (CPJ) sa 2023 Global Impunity Index nito ang pagpatay sa 261 mamamahayag sa buong mundo na may kaugnayan sa kanilang trabaho sa nagdaang dekada mula Setyembre 1, 2013 hanggang Agosto 31, 2023. Sa mga ito, 204 kaso, o 78% ng kabuuang bilang, ang wala pang napananagot.

Tinukoy ng ulat na ang tantos na ito ay mas mababa sa 90% na tantos sa dekada bago nito. “Ngunit hindi ito dapat tingnang dahilan para sa optimismo,” ayon sa CPJ. Nanatili pa rin umano ang kultura ng kawalang pakundangan at halos apat sa bawat limang pumapatay sa mga mamamahayag ay hindi napananagot.

Sa tala ng grupo, 956 na ang kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag simula 1992 nang mag-umpisa sila sa pagsasadokumento nito. Walang naisakdal sa 757 o higit 79% ng mga kasong ito.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!