Naudlot ang pag-uwi ng 20 Pilipino na nasa Gaza nang bombahin ng Zionistang Israel ang ilang ambulansya sa Rafa Crossing, sa hangganan ng Gaza at Egypt, noong Nobyembre 5. Nasa hangganang iyon ang ilang Pilipino nang bigla itong isara. Kasama rito ang dalawang buntis at ilang menor-de-edad at isang buwang sanggol. Nakatakda sana silang lumabas sa Gaza ngayong Linggo. Naantala rin ang paglabas ng susunod na grupo ng 30 Pilipino. Binigyan lamang ng Egypt ang mga Pilipino ng 72 oras sa kanilang bansa, kung kaya’y kailangan din nilang agad-agad na lumipad palabas dito.
Binibigyang-matwid ng Zionistang Israel ang pagbomba sa mga ambulansya sa pagsabing may laman itong mga armas at sugatang mandirigma ng Hamas. Ang pambobomba sa ambulansya, pag-atake sa mga ospital, pagpatay sa mga protektadong indibidwal tulad ng mga duktor at iba pang manggagawang pangkalusugan at pagtarget sa mga sibilyan ay pawang malalang paglabag sa internasyunal na makataong batas at mga krimen sa digma. Labag din sa mga alintuntunin ng digma ang pagtarget sa mga mandirigma kung sila ay sugatan o hors de combat.
May kabuuang 134 Pilipino sa Gaza, at 115 sa kanila ay nagpahayag ng kagustuhang umuwi. Mayroon namang 123 Pilipino sa West Bank, apat ang nagpaalam nang umuwi. Dalawa sa kanila ang nakatawid na tungong Jordan. May mga Pilipinong tumangging umalis sa Gaza dahil hindi nila maaaring isama ang kanilang pamilyang Palestino.
Mariing kinundena ng Migrante International ang walang pakundangang pambobomba ng Israel sa Palestine na tumatarget sa lahat ng mga sibilyan sa Gaza, kabilang ang mga Pilipinong nagtatrabaho at nakatira doon. Kinundena rin nila ang kabagalan ng tugon ng rehimeng Marcos sa pag-repatriate sa naturang mga Pilipino. Anila, basta-basta lamang naniniwala ang rehimen sa huwad na mga pangako ng Israel na “papayagan” nitong makalabas sa Gaza ang mga Pilipino, pero sa aktwal ay wala ang mga pangalan nila sa listahan ng mga awtoridad sa hangganan ng Rafa Crossing. Batid ito ng ambasador ng Pilipinas sa Jordan na nagsabing “mananalangin” na lamang ito na “ligtas na makaabot ang mga Pilipino sa hangganan oras na bigyan sila ng pahintulot na tumawid sa hangganan.”
“Mas malaki dapat ang ginagawa ng gubyerno ng Pilipinas liban sa ‘umasa at manalangin’ (hope and pray) para sa mga Pilipino sa West Bank at Gaza,” bwelta ng Migrante International. Dapat humakbang ito para sa mabilis at kagyat na pagpapauwi sa kanila.
Dapat bumoto pabor ang Pilipinas para sa humanitarian ceasefire kahit man lamang para sa mga Pilipinong nasa Gaza, ayon sa grupo. Nag-abstain ang Pilipinas sa panawagan ng tigil-putukan sa pagdadahilang “insulto” ito sa apat na Pilipino na namatay sa Israel sa panahon ng Al-Aqsa Flood, ang surpresang atake ng Hamas labas sa Gaza. Ang totoo, sunud-sunuran ito sa kumpas ng US laban sa gayong hakbang dahil hahadlang ito sa kampanyang henosidyo ng Israel laban sa Palestine.
“Nagdurusa ngayon ang mga Pilipino dahil sa maka-US na pag-abstain ng Pilipinas (sa botohan), gayundin sa brutalidad ng Israel laban sa mga Palestino dahil dito,” ayon sa grupo.
Samantala, nakiramay ang Migrante sa pamilya ni Angelyn Aguirre na namatay nang tumanggi siyang iwan ang kanyang pasyenteng Israeli.
“Pagpapaalala ang kaso ni Angelyn na maraming Pilipino ang patuloy na kumakaharap sa peligro, at maging kamatayan, laluna sa Gaza dahil sa walang pakundangan, malawakan at walang awat na pambobomba ng Israel,” ayon sa grupo. Kinwestyon din nito ang ipinalalaganap na kwento na namatay si Aguirre sa atake ng Hamas, gayong hindi malinaw ang mga sirkumstansya ng kanyang pagkamatay, kasama ang kanyang pasyente, kahit ayon sa midya.
“Pagpapatunay si Angelyn sa napapala ng mga Pilipino sa labor export program ng gubyerno sa Pilipinas at pagtanggi nitong lumikha ng disenteng mga trabaho sa bansa,” anito. Dahil dito, nasasadlak ang mga Pilipinong manggagawa sa iba’t ibang uri ng marahas na sigalot. Dapat matulak nito ang gubyerno ng Pilipinas na tumayo sa sariling paa at lumikha ng mga trabaho para sa sariling mamamayan.