Mariing kinundena ng mga mamamahayag sa Palestine ang “di prinsipyadong pagbabalita” ng mga mamamahayag ng Western midya (mga monopolyo kumpanya sa midya na pag-aaari ng malalaking kapitalista sa US at Europe) kaugnay sa pambobomba ng Israel sa Gaza. Sa isang pahayag noong nakaraang linggo, sinabi ng Palestinian Journalists’ Syndicate na ilan sa mga pagbabalitang ito ay “tumutulong” sa kampanyang henosidyo ng Israel.
“Basta-basta inuulit ng malaking bahagi ng pandaigdigang midya, laluna ng mga Western media outlet, ang mga ‘talking points’ ng gubyernong Israel, at gumagamit ng mga salitang nakakawalang-dignidad kapag tinutukoy nila ang mga Palestino,” ayon sa grupo. “Bigong-bigo ang mga organisasyong ito na tumalima sa pundamental na mga prinsipyo sa pamamahayag ng objectivity at integridad. Nagiging kasabwat sila sa henosidyo.”
“Pinaaalahanan namin ang aming mga katrabaho, laluna na ang mga nasa Western media, sa pangangailanan na tumalima sa batayang pamantayan sa pamamahayag,” ayon sa grupo. Anila, napilitan silang magsalita lalupa’t bahagi sila ng inaatake at pinapaslang ng Israel sa kanilang lupang tinubuan.
Di bababa sa 37 nang mamamahayag na Palestino ang napatay sa pambobomba ng Israel, mayorya habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa pagbabalita. Naitala rin ng grupo ang direktang pang-aatake ng mga pwersang Israeli sa tirahan ng 35 mamamahayag at pagpatay ng puu-puong myembro ng kanilang mga pamilya. Kabilang sa mga biktima ang buong pamilya ni Wael Dahdou, mamamahayag ng Al Jazeera, na napatay nang bombahin ang sinukuban nilang evacuation center.
Dagdag dito, winasak ng Israel ang imprastruktura ng komunikasyon noong Oktubre 27, kasabay ng pagpasok ng mga tangke nito sa North Gaza. May ilang linya nang naibalik, pero mahina at di maasahan. Ipinagbawal din ng Israel ang pagpasok ng dayuhang midya. Malinaw na ang mga hakbang na ito’y para maitago ng Israel ang mga masaker na ginagawa nito sa Gaza, “malayo sa mga lente ng pandaigdigang midya,” ayon sa grupo.
“Bilang mga mamamahayag, may tungkulin tayo na wasto at imparsyal na ibalita ang katotohanan, laluna sa mga sitwasyong may sigalot, kung saan itinatago ng propaganda at misimpormasyon ang mahirap na reyalidad,” pahayag ng grupo. “Ngayon ang panahon para sa tapang, pagiging totoo, at pagtalima sa pinakamataas na prinsipyo ng ating propesyon.”
Noong Oktubre 18, 250 akademiko, mamamahayag at iba pang eksperto sa midya at komunikasyon ang naglabas ng pahayag para kundenahin ang pagbabalita ng mga media network sa Britain.
“Bilang mga iskolar ng pamamahayag, midya at komunikasyon, sumusulat kami para iparating ang aming labis na pagkadismaya sa matatawag na peligrosong pagbalewala sa mga pamantayan at alituntunin ng pamamahayag sa kalakhan ng pagbabalita sa Britain kaugnay sa gera sa Gaza,” anila.
Kabilang sa pinuna nila ang pagpapalaganap ng “lengwahe ng henosidyo ng Israel,” tulad ng paggamit ng mga terminong “hayop” at “barbaro” kapag tinutukoy ang mga Palestino. Inuulit lamang ito ng mga mamamahayag nang walang pasubali o pagtutuwid, ayon sa grupo. Mas malala, tumutulong pa ang mga ito sa pagpapalaganap ng di kumpirmadong mga akusasyon ng Israel na nagsasapanganib sa daanlibong sibilyan, kabilang ang di-kritikal na pagbabalitang may mga “tunnel” o presensya ang Hamas sa ilalim ng binombang mga ospital.
Pinuna din ng grupo ang “selektibong paggamit ng ebidensya,” kawalang simpatya sa mga biktimang Palestino at kahit ang pagbubuo ng mga pangungusap para iwasang pangalanan ang Israel sa henosidyo. Binatikos nila ang nakikita nilang rekisito ng malalaking midya na bago paniwalaan ang isang Palestino, dapat muna niya batikusin ang grupong Hamas.
Ang mga mamamahayag na ito, at ang mga kumpanya sa midya, ay maaring isangkot sa anumang reklamo kaugnay sa mga krimen sa digma at krimen laban sa sangkatauhan ng Israel.
Noong Nobyembre 10, isang grupo ng mga mamamahayag ang naglunsad ng protesta sa loob ng gusali ng pahayagang New York Times (NYT) para ipanawagan ang tigil-putukan sa Palestine at kundenahin ang pabor-sa-Israel na pagbabalita nito. Dahil dito, anang grupong “Writers Bloc,” may responsibilidad ang NYT sa henosidyo ng Israel. Hinimok nito ang dyaryo na “magsabi ng totoo.” Isa ang NYT sa pinakamalalaking organisasyong midya sa US at sa buong mundo.
Sa Pilipinas, nagsagawa ng candle lighting noong Nobyembre 7 ang mga myembro ng midya at estudyante sa pamamahayag sa loob ng University of the Philippines para kundenahin ang pamamaslang sa mga mamamahayag sa Gaza. Sa protesta, ipinahayag nilang dapat iulat ng midya sa Pilipinas ang katotohanan sa mga pambobomba ng Israel sa Palestine upang malaman ito ng mga Pilipino.
“Tanggalin na ‘yang ‘neutrality’ na ‘yan. Sa kaso ng Israel at Palestine, malinaw kung sino ang walang boses at malinaw kung sino ang sinusupil,” ayon kay Prof. Danny Arao, isa sa mga nagprotesta.