Binatikos ng mga mangingisda at ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) noong Abril 11 ang patakaran ng gubyerno na “no-sail zone” o pagbabawal mangisda sa hindi bababa sa limang bayan ng Zambales para magbigay daan sa 18-araw na ehersisyong Balikatan sa pagitan ng mga sundalo ng US at Pilipinas. Tatagal ang patakaran mula Abril 11 hanggang Abril 28.
Ayon kay Pamalakaya Vice Chair for Luzon Bobby Roldan, ang paglalayag sa mga pangisdaan sa “no-sail zone” sa rurok ng fishing season ay hindi katanggap-tanggap at kasuklam-suklam. Ang mga buwan ng Pebrero hanggang Mayo ang panahon ng pangingisda sa prubinsya.
“Hindi nararapat na mawalan ng kabuhayan ang mga Pilipino para lang…sa mga war game ng [dayuhang pwersa] na mayroong live fire exercises sa aming lugar ng pangisdaan,” saad ng Pamalakaya.
Inihambing nila ito sa kalunus-lunos na karanasan ng mga mangingisda sa Bicol noong 2009 na anim na buwang pinagbawalang mangisda para magbigay daan sa military drill ng US dito.
“Ibayong ipinakikita nito ang pagkaantala sa kabuhayan ng mga mangingisda hindi lamang sa West Philippine Sea, kundi sa marami pang ibang bahagi ng bansa dahil sa mga ehersiyong militar na ito,” dagdag pa ng grupo.
Binatikos din ng Pamalakaya ang kawalang pakialam ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kagalingan ng mga mangingisda matapos sabihing isa lamang itong “maliit na pagkagambala” sa mga mangingisda.
“Pinapaalalahanan namin ang Armed Forces of the Philippines at ang mismong tagapagsalita ng Balikatan na si Col. Michael Logico na huwag ituring bilang collateral damage ang mga mangingisdang maaapektuhan ng isinasagawang military exercises sa Zambales,” ayon sa Pamalakaya.
Giit ng Pamalakaya, “dapat umalis ang mga tropa ng US para maging mapayapa ang mga mangingisdang Pilipino at dalhin nito ang pang-uupat ng gera sa ibang lugar.”