Nagprotesta sa Dublin, Ireland ang iba’t ibang grupo kabilang na ang Anti-Imperialist Action Ireland (AIAI) noong Abril 12 kaugnay ng pagbisita ni US President Joe Biden.
Ayon sa AIAI, ang pagbisita ng punong hepe ng imperyalistang US ay bahagi ng pagdadawit sa Ireland para maging bahagi ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) at hatakin sa mga imperyalistang gera nito.
Paliwanag ng grupo, ang anim na county (distrito) ng Ireland ay kasalukuyang okupado ng Britain, isang bansang bahagi rin ng NATO. Samantala, ang Shannon Airport umano ay nagsisilbing base militar ng US sa naturang bansa.
Giit ng grupo, tinatarget ng US na maging bahagi ang Ireland ng alyansang NATO matapos nitong mapilit ang Finland nitong Abril lamang na maging bahagi rin ng alyansa.
Panawagan ng AIAI, “dapat tutulan ang presensya ng NATO at mga tangka nitong ibayong palawakin ang saklaw nito sa bansa.”
Liban dito, binatikos ng grupo ang mahigpit na presensya ng mga armadong pwersa sa buong Dublin at ang pagtatanggal sa mga pulubi sa kalye at pagpapatigil sa mga protesta ng mga aktibista at iba pang mga grupo.