Ang Bayan » Pagbubuwag sa NTF-Elcac, muling ipinanawagan


Naglunsad ng protesta ang mga grupo sa karapatang-tao sa Quezon City noong Disyembre 4 para ipanawagan ang pagbubuwag sa National Task Force (NTF)-Elcac at pagpapatigil sa kampanyang teror at pambobomba ng AFP sa kanayunan. Isinagawa ang pagkilos kasabay ng ika-5 anibersaryo ng paglalabas ng dating rehimeng Duterte sa Executive Order No. 70 na nagbuo sa NTF-Elcac. Pinamunuan ang protesta ng grupong Karapatan.

Lumahok dito ang mga grupo ng pambansang minorya, magsasaka, tagapagtanggol ng kalikasan at taong-simbahan—mga sektor na pangunahing target ng karahasan at panggigipit ng NTF-Elcac.

Ayon sa mga grupo, dapat wakasan ang malawakang militarisasyon sa kanayunan na isinasagawa ng mga yunit ng militar. Sinasaklot ng AFP ang mga komunidad ng magsasaka sa ngalan ng kampanyang kontra-insurhensya na nagdudulot ng samutsaring paglabag sa karapatang-tao.

Kinokontrol din ng militar ang iba’t ibang mga ahensya ng gubyerno, mula antas-pambansa hanggang barangay, sa pamamagitan ng NTF-Elcac. “Iginigiit namin ang abolisyon sa NTF-Elcac bilang pangunahing makinarya ng gubyernong Marcos na nagpapatupad ng mga paglabag na ito at iba pang mga porma ng pampulitikang panunupil,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Giit ng mga nagprotesta, dapat ding wakasan ng rehimen ang malawakang aerial bombing, panganganyon at pag-istraping malapit sa komunidad ng mga sibilyan at sa kagubatan.

“Ang mga pambobombang ito ay lantarang paglabag sa internasyunal na makataong batas na pumuprotekta sa karapatan ng mga sibilyan sa konteksto ng armadong tunggalian,” ayon kay Palabay.

Naitala ng grupo ang 22,391 indibidwal na naapektuhan ng mga pambobomba sa kanayunan, habang 39,769 katao ang naapektuhan ng walang patumanggang pamamaril sa kasagsagan ng mga operasyong kombat simula nang maupo sa poder si Marcos. Nasa 25,000 naman ang sapilitang lumikas sa kanilang mga komunidad dulot ng mga operasyong ito.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!