Kinundena ng mga grupong maka-kalikasan ang pagbuwag sa protesta ng mga grupong kontra-mina sa Barangay Maasin, Brooke’s Point sa Palawan laban sa operasyon ng Ipilan Nickel Corporation (INC) noong Oktubre 25. Nananawagan ang mga nagpuprotesta na kagyat na itigil ang pagmimina at tuluyan na itong isara.
Hinaing ng mga grupo, labag ang mga operasyon ng kumpanyang INC sa cease and desist order na ipinataw dito ng lokal na gubyerno at rehiyunal na tanggapan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Nasa proseso ang mga grupo ng pagtatayo ng bakod para pigilan ang pagpasok ng mga trak sa minahan nang harangin sila ng mga gwardya ng kumpanya. Nagkaroon ng girian sa pagitan ng dalawang grupo kung saan may ilang nasugatan.
“Sampal sa mukha ng mamamayan sa Palawan” ang patuloy na operasyon ng INC, ayon sa grupong Kalikasan PNE. “Paulit-ulit ang paglabag ng kumpanya sa batas, kabilang pagpapatuloy ng mga operasyon nito lampas sa bisa ng hawak nitong mining production sharing agreement (MPSA) at kawalan ng Certificate Precondition mula sa NCIP.”
Noong Agosto, kinatigan ng Korte Suprema ang petisyon ng mga residente dito para ipailalim ang lugar sa writ of kalikasan. Sa kabila ng mga pagtutol, tuluy-tuloy ang operasyon ng kumpanya na lubos na ikinadismaya ng mga residente.
Ayon sa Kalikasan PNE, ang marahas na pambubuwag ay dagdag sa humahabang listahan ng karahasan ng mga kumpanya sa mina sa mga lumalaban sa kanila sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Kabilang sa mga ito ang marahas na pambubuwag sa mga protesta sa Sibuyan Island noong Pebrero.