Ang Bayan » Pagkawala ng 2 kabataang aktibista, kunektado sa reklamasyon ng San Miguel


Naglunsad ng protesta ngayong araw, Setyembre 11, ang mga kamag-anak, kasama, taong-simbahan mula sa United Church of Christ in the Philippines (UCCP), mga kasaping mangingisda ng Pamalakaya mula sa Cavite at mga myembro ng AKAP Ka Manila Bay para ipanawagan ang kagyat na paglilitaw sa dalawang aktibista na dinukot ng mga ahente ng estado.

Dinukot noong Setyembr 2 sina Jhed Tamano at Jonila Castro, mga aktibistang pangkalikasan na noo’y nagsasagawa ng konsultasyon sa mga residenteng nakatira sa baybayin ng Manila Bay sa bandang Bataan. Ayon sa mga nakasaksi, pwersahan silang isinakay sa isang van, alas-7 ng gabi sa harap ng Orion Water District office sa Barangay Lati, Orion, Bataan. Si Castro, 21, ay community organizer ng AKAP KA Manila Bay, kapatid na organisasyon ng Pamalakaya, habang si Tamano, 22, ay program coordinator ng Community and Church Program for Manila Bay na bahagi ng Ecumenical Bishops Forum.

“Ang mga bayan sa baybay ng Bataan ay kabilang sa maraming erya na nasa panganib ng mga proyektong reklamasyon,” pahayag ng Pamalakaya. Kabilang sa mga proyektong sumasaklaw dito ang ang 18,000-ektaryang Manila Bay Integrated Flood Control, Coastal Defense and Expressway Project. Liban dito, saklaw ang lugar sa samutsaring mga komersyal na proyekto ni Ramon Ang ng San Miguel Corporation, kabilang ang dambuhalang “syudad” ng Aerotropolis sa Bulacan.

“Laganap na ang harasment at intimidasyon laban sa aktibista at mangigisdang kontra-reklamasyon mula nang nagsimulang palayasin ng San Miguel Corporation ang mga komunidad, at matapos isabatas ng noo’y rehimeng Duterte ang RA 11506, ang batas na nagpahintulot sa San Miguel Inc na magtayo, paunlarin, itayo, patakbuhin at imantine ang internasyunal na paliparan at kaakibat nitong “airport city,” pahayag ng AKAP KA Manila Bay.

Nagsimula ang intimidasyon sa Barangay Taliptip noong 2020, kung saan isang detatsment pangmilitar ang itinayo para palayasin ang mga residente o di kaya’y takutin sila para tanggapin ang kakarampot na kabayarang iniaalok ng SMC kapalit ang kanilang lupa at kabuhayan. Noong 2021, sinimulan ng SMC ang operasyong dredging sa Malolos, Bulacan ng kinontrata nitong kumpanyang Dutch na Boskalis. Nagresulta ito sa pagbagsak ng nahuhuling isda sa lugar, gayundin ang pagsasara ng natitirang mga asinan sa prubinsya. Tulad sa Taliptip, dumanas ang mga residente rito ng intimidasyon, banta ng demolisyon at samutsaring panggigipit ng lokal na gubyenro, katuwang ang NTF-Elcac.

Sa Obando, Bulacan, dalawang mangingisda ang inaresto matapos silang lumahok sa isang kontra-reklamasyon na aktibidad. Isang grupo ng 40 mangingisda at mga menor-de-edad ang iligal na binimbin ng mga elemento ng CAFGU sa Obando. Nagtutuluy-tuloy ang harasment at pananakot sa mga residente sa iba’t ibang bayan ng Bulacan hanggang sa ngayon.

Sa Bataan, nakaranas ng harasmnet mula sa mga pulis ang mga mangingisda ng Capunitan, Orion. Ayon sa ulat ng mga residente, iligal silang pinalalayas ng mga pulis para bigyan-daan ang konstruksyon ng isang “komersyal na proyektong pangkaunlaran” ng SMC.

“Ilang buwan matapos nito, nakaranas sina Tamano at Castro, mga aktibistang anti-reklamasyon, ng sarbeylans at harasment sa Baragay Balut, Orion,” salaysay ng AKAP KA Manila Bay. Liban sa pakikisalamuha at pakikipanayam sa mga residente, nasa lugar ang dalawa noong Setyembre para maghanda sa isang relief operations.

“(N)apakasama ng kanilang sinapit,” pahayag ng grupo, kaugnay sa pagdukot sa dalawa noong Setyembre 2. “Winasak ang mga CCTV footage, at may nagpakalat pa sa mga nag-aalalang residente at mga saksi na biro lamang ang pagdukot sa kanila. Hindi rin pinayagan ng mga pulis ang ina na Castro na maghain ng reklamo at ipablotter ang insidente.”

Katunayan, kaliwa’t kanan ang pagsisinungaling ng pulis sa Orion sa naganap na pagdukot. Una nilang itinanggi na naganap ang krimen, at nagsabi pang walang nagsampa ng reklamo kaugnay dito. Apat na araw matapos ang insidente, binisita pa ng pulis ang ina ni Castro sa kanilang bahay sa Plaridel, Bulacan, hindi para tulungan ang pamilya kundi para siraan si Jonila. Bago nito, ilang beses nang binisita ng isang sundalo ang ina ni Jonila para kumbisihin siyang “ipasurender” ang anak.

“Tumanggi man ang mga pwersa ng estado sa kanilang papel sa pagdukot at sabihin man nilang rebelde ng NPA o komunistang mga organisador (ang dalawa), hindi nila maitatanggi na nasa unahan sina Tamano at Castro sa paghamon sa mga proyektong reklamasyon at pagsusulong sa mga karapatan ng mangingisda at kanilang mga pamilya,” pahayag ng grupo. “(Malinaw) na ang AFP, CAFGU, DILG, NTF-ELCAC, at SMC ang nagkakalat ng teror at takot sa mga komunidad.”



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!