Ang Bayan » Pagpupulong ng APEC sa US, pagdalo ni Marcos, binatikos


Sunud-sunod na protesta ang inilunsad ng iba’t ibang organisasyon sa pangunguna ng No to APEC Coalition at iba pang mga alyansa sa San Francisco, California, sa United States para batikusin ang inilunsad na pagpupulong dito ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) na dinaluhan ng mga lider mula sa iba’t ibang bansa. Isinagawa ang mga pagkilos at aktibidad mula Nobyembre 11 hanggang 17. Lumahok sa protesta ang mga migranteng Pilipino at binatikos nila ang paglahok ni Marcos sa naturang pagpupulong.

Noong Nobyembre 11, inilunsad ng koalisyon ang isang people’s summit na kontra sa isinagawang pagpupulong ng mga lider ng maraming bansa. Sa kasunod na araw, magkakaibang protesta ang isinagawa ng grupo.

Ayon sa koalisyon, ang APEC ay gumasta ng milyun-milyong dolyar sa isang pagtitipon na nagtalakay ng pamumuhunan sa kapakinabangan ng mayayaman at kita, at sa kapinsalaan ng karaniwang mamamayan. Sa deklarasyon nito, “ang mga upisyal at lider ng estado na dumalo sa APEC ay hindi kumakatawan sa interes ng malapad na mayorya ng mamamayan.”

Anila, tinalakay din sa pulong ang ibayong pagsasamantala at pang-aapi sa masang manggagawa ng mga malalaking korporasyon at institusyon sa tabing ng “free trade” o malayang kalakalan. “Babaratin nito ang sahod, kakamkamin ang lupa ng mga magsasaka at minoryang mamamayan, dadambungin at sisirain ang kalikasan, habang pinalalaki ang kita ng mga korporasyon,” ayon pa sa koalisyon.

Giit nila, puro palabas at peke ang mga “solusyong” inihahain ng APEC sa mga suliraning kinahaharap ng masang anakpawis sa buong mundo. Walang makabuluhang ambag ang kanilang pag-uusap para makabawi mula sa pandemya, krisis sa ekonomya, pagtataguyod sa kalikasan, pagkilala sa kababaihan, at iba pang mga mahahalagang usapin.

Sa harap nito, pangunahing pinuna ng koalisyon ang responsibilidad ng US sa inilunsad na pagpupulong ng APEC. “Ang US ang may pinakamalaking impluwensya sa APEC at ginagamit ito para sa sariling ganansya,” ayon sa koalisyon. Tinuligsa nito ang US at APEC sa pagtutulak ng sariling adyenda para sikilin at atakehin ang mga karibal nito, laluna ang China.

“Ang Indo-Pacific Economic Framework (IPEF) na pinamumunuan ng US ay may layong kontrahin ang ekonomya ng China at agawin ang kontrol sa mas mahihinang mga bansa. Ang mga aksyong ito ay ekonomikong pamimilit at maghahatid sa atin sa bingit ng digma,” ayon sa koalisyon.

Panawagan nito sa masang anakpawis sa buong daigdig, “ang tanging solusyon sa mga krisis ng ating panahon ay pandaigdigang pagkakaisa ng uring manggagawa.”

Ang APEC Summit ay taunang pagpupulong ng 21 lider ng mga bansang nasa Pacific Rim. Saklaw ng mga bansang ito ang kalahati ng internasyunal na kalakalan, sa pangunguna ng US.

Marcos, hinabol ng protesta

Sinalubong at hinabol ng protesta ng mga progresibong samahan ng mga migranteng Pilipino sa US si Marcos at ang delegasyon ng Pilipinas na lumahok sa pagpupulong ng APEC. Dumating si Marcos sa US noong Nobyembre 14. Ito ang ikatlong pagbisita ni Marcos Jr sa among imperyalistang US mula nang maluklok sa dinayang eleksyon.

Sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA at Malaya Movement USA, higit 300 ang nagprotesta noong Nobyembre 15 sa South San Francisco. Kinundena nila ang pamilyang Marcos at ang inihasik nitong karahasan, korapsyon at paglapastangan sa bansa mula noong panahon ng diktadura hanggang sa ngayon na nakaupo siya sa poder. Sigaw nila, “Marcos is not welcome here! The Philippines is not for sale!” (Hindi tanggap si Marcos dito! Hindi ibinebenta ang Pilipinas!).

Sinundan din nila si Marcos Jr sa tinuluyang mamahaling hotel na Ritz-Carlton. Tinatayang $11,000 ang singil dito bawat araw. Binatikos ito ng mga grupo bilang paglulustay sa pondo ng bayan. Nagkaroon din ng protesta sa iba pang lugar sa San Francisco kung saan nakipagpulong siya sa mga komunidad ng Pilipino sa US.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!