Sa unang Mayo Uno ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II, muling nagrehistro ang uring manggagawa at mamamayan sa Timog Katagalugan ng kanilang kahingiang dagdag-sahod, makatarungan, nakabubuhay at ligtas na trabaho, at pagkilala at pagtatanggol sa karapatang-tao. Kumilos ang aabot sa 3,000 katao mula sa hanay ng mga unyonisadong manggagawa at mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, 120 taon mula ang unang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Pilipinas.
Kumilos ang aabot sa 3,000 katao mula sa hanay ng mga unyonisadong manggagawa at mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, 120 taon mula ang unang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Pilipinas.
Mga desentralisadong programa sa umaga
Sinimulan ng lagpas 2,000 manggagawa ang araw sa mga symposia at porum ukol sa kalagayan ng sahod at karapatan sa umaga. Nagtipon-tipon ang mga unyonisadong manggagawa sa mga engklabo sa mga lungsod ng San Pedro, Santa Rosa, Biñan, Cabuyao at Calamba, Laguna; at sa Imus at Rosario sa Cavite, na pinangunahan ng mga lokal na mga alyansa ng manggagawa.
Ipinanawagan nila ang pagtaas at pagsasabansa ng minimum na sahod mula sa rehiyonal at kada-bayan/kada-lungsod na minimum wage sa Calabarzon, pagwawakas sa paniniil ng AFP-PNP-NTF-ELCAC at kapitalista sa mga unyon na pumapasok sa sama-samang pakikipagtawaran (collective bargaining) sa kapitalista, at ang pagtigil ng ibayong pagpapagamit ng Pilipinas sa teritoryo at rekurso nito sa imperyalismong Estados Unidos sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement.
May mga unyon din mula sa iba’t ibang sentro ng paggawa na lumahok sa pambansang pagkilos noong Mayo Uno para ipanawagan ang pagtaas ng sahod at pagkilala at pagtupad ng rehimeng US-Marcos II sa mga batas at komitment ng estado sa mga kumbensyon ng International Labor Organization. Nanindigan din ang mga manggagawa na dapat panagutin si Marcos Jr. at Rodrigo Duterte sa mga matitinding paglabag sa karapatan ng manggagawa sa pag-oorganisa, paghahayag, at sama-samang pagkilos.
Samantala, nagsagawa rin ng maikling programa ang mga kabataang-estudyante ng UP Los Baños sa harap ng Star Commercial sa Los Baños at ang Bagong Alyansang Makabayan sa Cavite sa lungsod ng Bacoor.
Nagsagawa naman ng pamumulyeto at pag-aanunsyo sa mga lungsod ng Tanauan sa Batangas at Antipolo sa Rizal.
Pagpapapansin at pambubulabog ng kaaway
Lubhang mas malaki ang resulta ng naging pagkilos ng mga manggagawa sa Mayo Uno kaysa mga puta-putaking aksyon ng reaksyunaryong estado. Noong umaga, naglunsad ng programa ang kapulisan ng Biñan sa labas ng LIIP. Walang-kahihiyang inimbitahan pa ng mga pulis Biñan ang mga manggagawang nagsasagawa ng hiwalay na programa sa malapit ngunit itinakwil ito ng mga manggagawa.
Samantala, tampok pa rin ang patuloy na pagkakampo ng 2nd CMO Battalion ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army sa Berkeley Subdivision, Brgy. Pulong Sta. Cruz sa lungsod ng Santa Rosa, isang komunidad ng mga manggagawa. Sa parehong lugar nagkakampo ang TF-ELCAC kung saan inaresto ang lider-manggagawang si Arnedo Lagunias noong Marso 5, 2021.
Panrehiyong programa sa Crossing Calamba
Kinahapunan, nagtipon-tipon ang halos 3,000 mamamayan sa apat na bahagi ng Calamba Crossing upang ihudyat ang simula ng panrehiyong programa. Itinanghal ng mga manggagawa ang Limang Dakilang Guro; Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao; at itinanghal din si Kasamang Jose Maria Sison.
Nagdala rin ng mapupula at makukulay na mga istrimer at plakard ang mga sumuportang delegasyon mula sa iba’t ibang sektor.
Isinalarawan nila ang kalagayan ng mga manggagawa sa isang effigy na nagpakitang papet sila Marcos at Sara Duterte ng imperyalismong US sa katauhan ng pangulo nitong si Joe Biden, lulan ang limpak-limpak na salaping kinulimbat sa kaban ng bayan at mga armas na tinatapat sa manggagawa at mamamayan. Winasak ito sa dulo ng programa. (Ulat ng Kalatas.)