Kabi-kabila ang pagkundena ng mga guro at akademiko, gayundin ng mga biktima ng diktadurang Marcos, sa hakbang ng Department of Education (DepEd) na tangggalin ang pangalang “Marcos” bilang kakambal ng “diktadura” sa mga aralin kaugnay sa 14-taong diktadura ni Ferdinand Marcos Sr sa mga librong pang-elementarya.
Isinapubliko noong Setyembre 10 ang isang memorandum mula sa Bureau of Curriculum Development ng DepEd na may petsang Setyembre 6, na ang mga katagang “Diktadurang Marcos” sa librong Araling Panlipunan para sa Grade 6 ay ginawa na lamang na “Diktadura.” Ang binagong kurikulum ay bahagi ng “Matatag Kurikulum” ni Sara Duterte at sisimulang gamitin sa akademikong taong 2026-2027.
Ayon sa Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (Contend), grupo ng mga guro at propesor, layunin ng hakbang na ito na “baluktutin ang kasaysayan sa pamamagitan ng pagmamaliit sa imahe ni Ferdinand Marcos Sr bilang diktador.” Liban sa mga layuning ito sa pulitika, walang kongkretong datos na maaaring sumuporta sa desisyon ng DepEd na baguhin ang aralin, ayon sa grupo.
Panawagan nila na “itakwil” ang kahindik-hindik na hakbang na ito, at papanagutin si Duterte na nagsisilbing instrumento sa pambabaluktot ng kasaysayan mismo ng estado.
Liban sa pambabaluktot ito, insulto ito sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao ng diktadurang Marcos Sr, ayon naman kay House Deputy Minority Leader at ACT Rep. France Castro.
“Ang hakbang para tanggalin ang pangalang Marcos sa “diktadurang Marcos” ay harapang pagtatangkang linisin ang mga krimen at brutalidad na isinagawa sa ilalim ng kanyang rehimen,” ayon kay Castro. Labag din ito sa Republic Act [No.] 10368, o sa Human Rights Victims Reparation and Recognition Act na isinabatas noong 2013.
“Hindi kesyo ang nakaupong presidente ay anak ng diktador na si Marcos ay mangangahulugan na ito na buburahin na lamang natin ang pangalan ng kanilang pamilya bilang wastong katawagan sa diktadura,” aniya. Panawagan niya sa DepEd na kagyat na bawiin ang desisyong ito at ibalik ang tamang paglalarawan sa kasaysayan ng batas militar sa mga teksbuk.
“Hindi natin pwedeng payagan ang pagbubura sa kasaysayan at pagbabaluktot sa katotohonan,” dagdag ni Castro. “Responsibilidad natin na panghawakan ang mga alaala ng mga pinahirapan (ng diktadura) at tiyakin na ang mga aral sa nakaraan ay natututunan, para pigilang maulit ang gayong mga inhustisya.”
“Hindi pwedeng maging “Voldermort” o “Siya-na-Hindi-Pwedeng-Pangalanan (si Marcos!),” ayon naman kay Judy Taguiwalo, dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development at isa sa mga prominenteng aktibistang kontra-diktadura. Tinutukoy niya ang kontrabida sa sikat na libro at pelikulang Harry Potter na hindi pinangangalanan dahil sa takot sa kanya ng ibang karakter. Aniya, paano malalaman ng mamamayan, laluna ng mga bata, kung sino ang responsable sa pandarambong at mga brutalidad sa panahon ng martial law kung hindi siya papangalanan?
Ayon naman kay Francis Gealogo, propesor sa Ateneo de Manila University, ang pagtatanggal ng pangalan ni Marcos ay mahahalintulad sa paglalarawan ng krimen nang walang kriminal o ng pagpatay nang walang mamamatay-tao.