Ang Bayan » Panunulsol ng US ng henosidyo ng Israel at gera sa Asia, binatikos sa rali sa US Embassy


Nagrali sa mismong tapat ng US embassy sa Maynila noong Nobyembre 14 ang daan-daang pinamunuan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) para kundenahin ang papel ng US sa henosidyo ng papet nitong Zionistang rehimen sa Israel laban sa mamamayang Palestino. Hinarang at tinangkang buwagin ng mga pulis ang martsa bago makarating sa embahada. Anim na kabataan ang nasugatan sa tangkang ito.

“Habang inuulan ng bomba ang Gaza sa nakaraang 37 araw, binibigyan naman ng US ang Israel ng dagdag na $14.3 bilyon para itaguyod ang gera nito laban sa mamamayang Palestino,” pahayag ng Bayan sa araw na iyon. “Responsable ang gubyernong Biden sa pagkamatay ng 4,000 mga bata at pagkawasak ng mga ospital, eskwelahan at mga refugee camp.”

Dala ng mga nagrali ang panawagang: From Palestine to the Philippines, Stop the US war machine!

Aktibong kalahok ang US sa maramihang pagpatay, ayon sa grupo. “Ngayon, higit kailanman, nababatid na ng milyong mamamayan sa buong mundo na gera ang kahulugan ng imperyalismo.”

Kasabay ng pagkundena sa henosidyo, kinundena rin ng mga grupo ang war game ng US na Kamandag, na noo’y inilulunsad sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, at ang panghihimasok nito sa Asia. “Ginagamit ng US ang makaratungang hinaing ng Pilipinas sa West Philippine Sea para bigyan-katwiran ang paglalatag nito ng mga base sa bansa,” ayon sa grupo. “Interesado lamang ang US sa adyendang hegemonya nito, hindi sa soberanya at pambansang interes ng Pilipinas.”

Panawagan ng grupo, hindi dapat pumayag ang mamamayang Pilipino na gawing palaruan (playground) at apakan (footstool) ng mga imperyalistang manunulsol ng gera ang bansa.

“Ang tulak ng US para ipailalim sa hegemonya nito ang Pilipinas ay siya ring nasa likod ng suporta sa pulitika at militar nito sa estado ng Israel at sa kampanyang henosidyo nito sa mamamayang Palestino,” ayon kay Clarice Palce, secretary-general ng Gabriela. “Ang pakikibaka ng mga Pilipino sa ilalim ng US ay kahalintulad ng pakikibaka ng mga Palestino sa ilalim ng Israel na suportado ng US.”

“Sa Pilipinas, ginamit ng US ang “gera kontra-terorismo” para sikilin ang pakikibaka ng Bangsamoro para sa karapatan sa pagpapasya-sa-sarili,” ayon naman sa Sandugo-Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-determination in the Philippines. “Samantala, militarisado ang mga komunidad ng mga katutubo alinsunod sa mga patakaran ng US sa kontra-insurhensya.”

Lumahok sa pagkilos ang International League of Peoples’ Strugges, Philippine-Palestine Friendship Association at iba pang demokratikong organisasyon.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!