Sa gitna ng halos lingguhang pagtaas ng presyo ng langis, tumabo ang kumpanyang Petron Philippines ng ₱9.5 bilyon sa unang siyam na buwan pa lamang ng taon. Mas mataas ito nang 16% kumpara sa kita ng kumpanya noong nakaraang taon. Sinusuplay ng Petron ang sangkatlo ng pangkabuuang pangangailangan ng produktong petrolyo ng bansa at 78% ng pangangailangan ng jetfuel sa pambansang paliparan at Clark Airport.
Ang Petron ay bahagi ng dambuhalang korporasyong San Miguel Corporation at pinamumunuan ng may-ari ng kumpanya na si Ramon Ang. Pinatatakbo nito ang kaisa-isang plantang nagrerepina ng krudong langis sa buong bansa. Sinasabing may kapasidad itong magrepina ng 180,000 bariles kada araw. Noong 2021, nag-angkat lamang ng 29.7 milyong bariles ng krudong langis ang Pilipinas. Ibig sabihin, nasa 82,271 bariles lamang ang nirepina sa bansa kada araw o 45% kumpara sa kapasidad ng planta nito.
Mula Enero, koordinado at tuluy-tuloy na itinaas ng nagsasabwatang mga kumpanya ng langis ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas. Pinakamatatarik ang pagtaas noong ikalawang linggo ng Agosto, kung saan ₱3.50 ang itinaas ng presyo ng diesel, ₱2.10 ng gasolina at ₱3.25 ng kerosin. Lingguhang binabago ng mga kumpanya ang kanilang mga presyo.
Ayon sa datos ng Department of Energy noong Nobyembre 7, nagresulta ang lingguhang pagbabago ng presyo sa netong pagtaas sa presyo ng gasolina nang ₱13.75/litro, diesel nang ₱9.35/litro at kerosin nang ₱3.99/litro. Sa Metro Manila, nasa ₱78.85/litro ang diesel, ₱84.30/litro ang kerosin at ₱78.90/litro ang gasolina noong unang linggo ng Nobyembre.
Tulad ng ibang kumpanya, nag-aangkat ang Petron ng repinadong langis mula sa mga plantang nagrerepina sa labas ng bansa. Noong 2022, nag-import ang mga kumpanya ng langis ng repinadong petrolyo na nagkakahalaga ng $9.04 bilyon mula sa South Korea, China, Singapore, Malaysia at Thailand. Mahigit sangkatlo (36%) nito ay mula sa China. Sa parehong taon, nasa $1.74 bilyon lamang ang halaga ng inimport nitong krudong langis.