Ang Bayan » Posibleng epekto ng El Niño, dapat paghandaan—mga magsasaka

April 15, 2023


Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa Department of Agriculture (DA) at gubyernong Marcos Jr na kagyat na maglatag ng programa bilang paghahanda at pag-agapay sa posibleng maging epekto ng tatamang El Niño sa bansa. Inaasahang hahagupit ang El Nino sa huling hati ng taon.

Ayon sa KMP, dapat magbuo ng plano ang gubyerno para tiyaking matutulungan ang mga magsasaka sa lokal na produksyon at makaagapay sa suplay ng bigas sa bansa.

Sa huling hati pa ng taon inaasahang tatama ang El Niño ngunit ngayon pa lamang ay naitala na ng PAGASA ang mas mababang antas ng buhos ng ulan. Nag-abiso na rin ang mga kumpanya ng tubig sa Maynila na maaaring makaranas ng pagkaputol ng tubig nang hanggang 19 oras kada araw.

“Kailangan ng bansa ng epektibo at koordinadong aksyon mula sa mga pambansang ahensya at lokal na gubyerno para tugunan ang bantang kakulangan ng tubig na patitindihin ng pagtama ng El Niño,” pahayag ng KMP.

Giit nila, pinakatatamaan ng delubyong ito ang agrikultura at mga magsasaka ng posibleng tagtuyot na idudulot nito.

Naranasan ng Pilipinas noong 2019 ang isa sa pinakamatinding epekto ng El Niño sa bansa. Tinatayang $8 bilyong dolyar ang kabuuang pinsala sa agrikultura dulot nito.

Dulot ng climate change, dumalas ang pagtama ng El Niño sa bansa mula kada 15 taon noong bago mag-2000 tungong kada lima hanggang pitong taon matapos ang taong 2000.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss