Ang Bayan » Protesta kontra sa pagbisita ng punong ministro ng Japan sa Pilipinas, inilunsad


Nagprotesta ang mga progresibong organisasyon sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa House of Representatives kahapon, Nobyembre 4, para batikusin ang pagharap ni Japan Prime Minister Kishida sa pinagsanib na sesyon ng Senado at Kamara. Binatikos ng mga grupo ang nilulutong “visiting forces agreement” sa pagitan ng Pilipinas at Japan at iba pang kasunduang panseguridad.

Bumisita sa Pilipinas si Kishida noong Nobyembre 3-4 para umano talakayin ang mga kasunduang militar at pandepensa. Ginamit nitong sangkalan ang pinalalabas na pagtatanggol sa soberanya ng bansa kontra sa panghihimasok at panghaharas ng China sa mga Pilipino sa South China Sea. Pero kabalintunaan ang pagdadahilang ito, ayon sa grupo, at sa katunayan ay magpapaigting lamang sa lumalalang tensyon sa West Philippine Sea na maaaring mauwi sa gera. Magdudulot lamang ito ng matinding pinsala sa mamamayang Pilipino.

Sa 2-araw na bisita, pumirma sina Kishida at Marcos sa mga dokumentong nagbabalangkas sa Official Security Assistance (OSA) ng Japan sa Pilipinas. Nakatakdang magbigay ang Japan ng ₱235.50 milyon para sa mga coastal radar (pambaybay na radar) na ibibigay sa Armed Forces of the Philippines.

Pinirmahan din ang ayuda para sa pagbili ng mga kagamitang pangkonstruksyon para sa mga daan at pagsuporta sa mga programang diumano’y pagtugon sa mga sakuna. Lumusot din sa usapan ang “pagtutulungan” ng dalawang bansa kaugnay ng pagmimina sa Pilipinas, mga usapin sa turismo, kalakalan at transportasyon kabilang ang grandyoso at mamahaling imprastruktura.

Nagpahayag ng pagkabahala si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro sa mga kasunduang ito. Aniya, hindi pa humihingi ng kapatawaran ang Japan sa mga pang-aabuso nito noong World War II sa “comfort women,” pinaplano na namang papuntahin ang kanilang mga sundalo sa bansa. Ang mga comfort women ay kababaihang ginawang aliping sekswal ng mga tropa ng Japan noong Ikalawang Digmang Pandaigdig.

“Isa lamang ito sa mga rason ng pagtutol natin sa iminumungkahing kasunduang panseguridad. Nagiging kuta na ng pagsasanay militar ang ating bansa para sa mga industriyalisadong bayan habang isinasapanganib ang ating populasyon at binibigyan tayo ng tira-tira mula sa kanilang kagamitang militar,” ayon pa sa mambabatas.

Dapat umanong manindigan ang Pilipinas sa sarili nitong mga paa at magtaguyod ng nagsasariling patakarang panlabas imbes na maging palaasa at nakasalalay sa malalaki at imperyalistang mga bansa. “Tayo ang naiipit sa banggaan ng malalaking bansa samantalang interes lang naman din nila ang kanilang itinutulak at ginagamit lang tayo. Dapat nating itigil ang ganitong klase ng pagsalalay sa kanila,” aniya.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!