Naglunsad ng protesta ng iba’t ibang mga grupo ng mangggawa at ibang sektor sa Monumento sa Caloocan noong Abril 15 para igiit ang dagdag na sahod ng mga manggagawa at pagtatanggol sa kanilang mga karapatan.
Ayon sa Anakbayan South Caloocan, ang naganap na protesta ay bahagi ng “Payday Protest” at bahagi ng paghahanda para sa darating na protesta sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Mayo Uno.
Nanawagan din ang grupo sa mga kabataan na “lumahok at makiisa ang mga pag-asa ng bayan sa mga manggagawa.” Liban dito, ipinaliwanag din ng grupo na ang mga kabataan din ang susunod na pagkukunan ng mga manggagawa ng bansa kaya dapat silang tumindig para sa dagdag sahod.
“Sa harap ng isang pambansang krisis sa ekonomya, ang mga manggagawa ay nananatili pa ring kontraktwal, walang benepisyo, at barat ang pasahod,” pahayag pa nito. Kumakaharap din umano ang mga unyon at manggagawa ng pannaakot, red-tagging, pambubuwag at pagdakip.