Ang Bayan » Protestang kontra IMF-World bank, inilunsad


Nagprotesta ang mga progresibong organisasyon sa Department of Finance (DoF) sa Maynila ngayong araw para batikusin ang pagbubukas ng taunang pulong ng International Monetary Fund-World Bank (IMF-WB) sa Marrakech, Morocco mula Oktubre 9 hanggang Oktubre 15.

Pinangunahan ang pagkilos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at International League of Peoples’ Struggle sa DoF, na anito’y “satellite” na upisina o pangunahing tagapagpatupad ng mapangwasak na mga patakaran ng IMF-WB sa bansa. Nakiisa sa protesta ang mga grupo ng mga magsasaka, pambansang minorya, manggagawa at iba pang demokratikong sektor.

Ayon sa Bayan ang IMF-WB ay kontra sa kaunlaran at kapayapaan. Giit nito na ang imperyalistang institusyon ang pangunahing may responsibilidad sa malawakang kahirapan sa Pilipinas sa pagpapataw nito ng hindi makatarungan at labis-labis na kundisyon sa pagpapautang.

“Nagreresulta ang mga [patakaran ng IMF-WB] sa napakataas na mga presyo, barat na sahod, pagbubuwag sa unyon, kaltas-pondo sa serbisyong panlipunan, pahirap sa mahirap na pagbubuwis, at maging pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubong mamamayan,” saad ng Bayan.

Susi umano ang papel ng IMF-WB sa pagtakda ng mga patakarang ipinatutupad ng DoF at iba pang mga ahensya ng gubyerno. Ang mga ahensyang ito umano ang nagtutulak sa kontra-mahirap, kontra-manggagawa, kontra-magsasaka at anti-nasyunal na mga batas kabilang na ang Oil Deregulation Law, TRAIN Law, eVAT, at Rice Liberalization Law. Dagdag pa nila, duguan din ang kamay ng IMF-WB sa pagpopondo nito sa pasismo ng estado laluna ng diktadurang Marcos.

“Matapos ang 78 taon ng pagpapakatuta [sa IMF-WB], panahon na para itakwil ang neoliberal na mga atas na dikta ng IMF-WB at sa halip ay magpatupad ng pag-unlad sa bansa na naka-angkla sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon,” giit ng Bayan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!